ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 24, 2022
KATANUNGAN
Ako ay dating may boyfriend at tumagal ang relasyon namin nang tatlong taon. Ang problema, bigla siyang nag-asawa nang umuwi siya sa kanilang probinsya dahil may nabuntis siyang babae, pero ngayon ay hiwalay na raw sila. Hindi ko alam kung totoo ang sinasabi niya dahil hindi naman ako makapunta sa kanilang probinsya. Nang magkita kami dahil nandito ulit siya sa Manila, nais niyang makipagbalikan dahil ako raw talaga ang mahal niya. Gayunman, mula nang mag-asawa siya, hindi na ako umibig muli dahil mahal ko siya at siya ang lalaking gusto kong makasama habambuhay.
Sa ngayon, natutuwa ako na parang nalulungkot. Natutuwa ako dahil nakikipagbalikan siya, pero nalulungkot ako dahil kung hindi talaga sila hiwalay ng kanyang asawa, makakasira ako ng pamilya. Pero minsan ay naiisip ko na baka kaming dalawa talaga ang itinakda ng kapalaran, kaya muli siyang nagbalik sa aking buhay.
Ano ang masasabi n’yo at ano ang dapat kong gawin? Sa ngayon, regular siyang pumupunta sa bahay at mistulang nanliligaw. Minsan ay gusto ko nang tanggapin siya ulit, pero may mga pagkakataon na natatakot ako na hindi ko maintindihan. Maestro, siya na ba talaga ang lalaking nakaguhit sa aking mga palad?
KASAGUTAN
Binigyan ng Lumikha ang tao ng emosyon upang umibig at magmahal. Ang emosyon o damdamin na ito ang palaging nagpapasya sa malungkot na buhay ng isang nilalang. Kaya lang, bukod sa damdamin ay binigyan pa tayo ng Lumikha ng isip o rason upang kapag nagugulumihanan sa panahong umiiral ang matinding emosyon ay magamit naman natin.
Sa maingat na pagtimbang ng isip at damdamin, makakabuo ang isang indibidwal ng sakto at katanggap-tanggap o tamang desisyon. Dianne, malinaw na nagmamahal ka pa rin sa ex-boyfriend mo, pero kasabay nito, dapat mo ring gamitin ang iyong isip. Ibig sabihin, mag-imbestiga ka at alamin mo ang katotohanan kung hiwalay na ba talaga sila ng kanyang napangasawa. Kapag hiwalay na sila, malaya n’yo na muling buuin ang dating masaya at naunsyami n’yong relasyon.
Ito ang nais sabihin ng parang nagda-dalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Bagama’t sa biglang tingin, akala mo ay dalawa ang nasabing guhit ng pag-aasawa, pero dahil magkasing-haba at magkasing-kapal at masyadong malapit ang pagitan ng nasabing Marriage Line (arrow a. at b.) na muling nagdugtong at pag-ibig na matagal na panahong nangulila, ngunit kahanga-hanga, muling nagtagpo ng landas at habambuhay nang nagmahalan.
MGA DAPAT GAWIN
Minsan, sadyang nakakalimutan ng tao ang mga ibinigay sa kanya ng Dakilang Lumikha, kaya madalas ay hindi niya masolusyunan ang napakasimpleng problema dahil ayaw niyang magsaliksik o mag-imbestiga.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Dianne, gamitin mo ang likas na talento ng iyong isip na mag-imbestiga, ‘wag kang gumawa ng konklusyon kung walang ka namang datos. Sa ganu’ng paraan, matutuklasan mo ang katotohanang hiwalay na talaga ang ex-boyfriend mo at ang kanyang asawa, habang kayo naman ay magkakaroon na rin ng lisensyang moral upang muling magmahalan at buuin ang naunsyami n’yong pag-iibigan upang magkaroon ng bago at mas maligayang pamilya habambuhay.
Comments