top of page
Search
BULGAR

Asar sa mga ka-church na chismosa at inggitera

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | October 24, 2022


Dear Sister Isabel,


Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan sa sandaling mabasa n’yo ang problemang isasangguni ko.


Gusto ko sanang manahimik sa bahay at umiwas sa magulong mundo, pero ang hirap gawin. Nagse-serve ako sa simbahan, pero napapansin ko na karamihan sa taong simbahan ay plastik, mapagkunwari, astang maka-Diyos, pero paglabas ng simbahan ay puro ‘Marites’ naman at puro tsismisan ang ginagawa at parang hindi galing sa simbahan. Ang mahirap pa, karamihan ay pinupuna ang kamalian ng iba pero, ang sarili niyang pagkakamali ay hindi niya nakikita.


Bakit kaya hindi na lang siya magpokus sa kanyang sarili at pag-ukulan ng pansin kung ano pa ba ang dapat ituwid sa pagkatao niya — may dapat bang baguhin para sa ikabubuti ng kapwa, may nasasagasaan ba siyang ibang tao, may nasasaktan bang damdamin nang hindi niya alam?


Nasabi ko ito dahil madalas akong mabiktima ng ganitong klase ng sitwasyon. Madalas akong pagtsismisan at kainggitan ng kapwa ko. Gayundin, muntik ko nang masapak ang taong ‘yun, pero nanaig ang pagiging maka-Diyos ko at hindi ko siya pinatulan, sa halip, tinalikuran ko at umuwi na lang ako. Ipinagdasal ko na lang din sa Diyos na hawakan ang puso ng mga tsimosang ito, tumigil na sa pagtsitsismisan at paninira sa kapwa nang wala namang basehan.


Kahit sobra akong nasasaktan na pinagtsitsismisan at kinaiinggitan ako, hinding-hindi ko sila papatulan. Bagkus, ipapaubaya ko na lang sa Diyos ang lahat, tama ba ako, Sister Isabel?


Nagpapasalamat,

Lerma ng Iba, Zambales


Sa iyo, Lerma,


Hanga ako sa iyo dahil nagawa mong magtimpi sa paninira at pagkainggit ng iyong kapwa sa pagkatao mo, gayung taong simbahan pa naman sila. Sa palagay ko ay tama ka, hindi mo dapat patulan ang mga ‘yan at hindi ka dapat bumaba sa level nila. Mas nakakaunawa ka at hindi basta pumapatol sa mga taong tsismosa at mapanira.


Gayunman, ipagdasal mo na lang sila na magbago na, tumahak sa landas ng pagpapakabanal, walang nasasagasaang kapwa, at walang nasasaktan na damdamin.


Diyos na ang bahala sa kanila dahil Siya ay makatarungan at alam Niya kung sino ang tama at mali. Dinidinig Niya ang dasal ng bawat lumalapit sa Kanya at nagpapakabanal.


Sabi nga, God hears, God listens and God cares, ituloy mo lang ang pagiging maka-Diyos mo. Patuloy kang umunawa sa mga kahinaan ng kapwa mo at ipagdasal na sila ay magbago, maliwanagan ang isipan at sa tamang landas dumaan.


Lakip nito ang dalangin na patuloy kang pagpalain ng Diyos sa iyong buhay. Ang walang hanggang pagpapala at mga biyaya ng Dakilang Lumikha ay sumaiyo nawa.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page