ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | September 01, 2021
Dear Sister Isabel,
Kumusta kayo r’yan? I hope and pray na palagi kayong nasa mabuting kalagayan.
Gusto kong ihingi ng payo ang kapitbahay naming walang alam kundi manira para bang hindi magiging masaya hangga’t hindi nakakapanira ng kapwa niya. Nasabi ko ito dahil isa ako sa biktima niya. Nagulat na lang ako dahil nagalit sa akin ‘yung best friend ko na kumare ko rin. Nagtataka ako dahil wala naman kaming pinag-aawayan, ‘yun pala, siniraan ako ng kapitbahay namin sa kanya. Kung anu-ano ang pinagsasabi niya sa best friend ko na hindi ko naman actually sinabi. Nasaktan ang best friend ko dahil akala niya ay totoo na may sinabi akong hindi maganda laban sa kanya. Buti na lang, naisipan kong makipag-usap nang masinsinan at tinanong ko siya kung ano ang ikinagagalit niya sa akin. Wala naman akong alam na nagawang hindi maganda sa kanya at ayun, sinabi niya na kung anu-ano ang ikinuwento ng kapitbahay ko sa kanya na labis niyang dinamdam dahil hindi niya akalain sisiraan ko siya sa mga kaibigan namin.
Nagulat ako sa narinig ko kaya sinabi ko sa kanya na hindi ‘yun totoo at gawag-awa lang ‘yun ng kapitbahay kong mahilig na manira ng puri. Isa pa, inggitera siya at feeling insecure palagi. Mabuti na lang, naniwala ang best friend ko na hindi ko siya siniraan sa mga friends namin. “Hinding-hindi ko kayang gawin ‘yun,” sabi ko sa kanya. Magkasundo na kami ulit ng BFF ko at hindi na lang namin pinapansin ang kapitbahay kong ito at hindi kami nagpakababa sa level niya. Bakit kaya may taong ganu’n, Sister Isabel? Ano ang nararapat kong gawin para matigil na siya sa pangit niyang ugali?
Nagpapasalamat,
Rhodora ng Antique
Sa iyo, Rhodora,
Mabuti na lang, hindi mo pinatulan ang kapitbahay mong may pangit na ugali. Magbubunga lang kasi ng matinding away na maaaring mauwi sa sakitan at demandahan kung papatol ka sa kanya. Reverse psychology ang gawin mo, halimbawa ay wala kang alam sa pinagsasabi niya sa best friend mo laban sa iyo. Ang gawin mo, kapag nagluto ka ng masarap na ulam, bigyan mo o kaya naman, kapag may birthday sa pamilya mo, bigyan mo ng handa o kumbidahin mo mismo. Pakitaan mo siya ng mabuting asal at makikita mo na aamo siya, magbabago ng ugali at magiging mabait sa iyo. Makokonsensiya siya sa ginagawa niyang paninira sa iyo nang talikuran. Lumaki siguro siya sa pamilya na walang breeding at pangit marahil ang upbringing niya sa nakalakihang pamilya.
Hindi pa naman huli ang lahat para matuto siyang magmahal sa kapwa at hindi lang puro paninira. Ikaw na ang umunawa kaysa ikaw ang unawain. Alalahanin mo, God is watching us. Nakalaan Siyang gantimpalaan ang sinumang namumuhay sa mundo nang buong kapakumbabaan at puro kabutihan ang ipinupunla sa kanyang kapwa. Malaking pagpapala ang ilalaan sa iyo ni Lord ‘pag ginawa mo ‘yan.
Ang taong nagmamahal sa kapwa gaya ng pagmamahal niya sa sarili ay binibigyan ng malaking suwerte ng Diyos Ama sa langit. Hindi siya kailanman daranas ng kapighatian sa buhay. Magiging maligaya at punumpuno ng mga grasya at pagpapala pati na ang mga mahal nila sa buhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments