NASA GMA-7 NA RIN.
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | June 10, 2021
Ibinalita ni Nanay Cristy Fermin sa kanyang radio program na Cristy Ferminute, na napapakinggan sa Radyo 5, 92.3 News FM at napapanood sa Cignal OnePH kasama si Rommel Chika bukod pa sa Facebook live ng OnePH at sa YouTube channel nito, na nasa GMA Artist Centre na si Ms. Mariole Alberto.
“Nasa GMA Artist Centre na si Ms. Mariole Alberto na talagang nagpasikat sa mga artista ng ABS-CBN,” bungad ni ‘Nay Cristy.
Sundot naman ni Rommel Chika, “Oo nga, kaya ngayong lumipat na, mag-expect na tayo nang bonggang-bongga (pagbabago ng mga artista ng Siyete).”
Si Ms. Mariole ang pumalit na hepe ng ABS-CBN Star Magic nang magretiro noon si Mr. Johnny Manahan o Mr. M.
Ilang taong hinawakan ni Ms. Mariole ang Star Magic at maraming sumikat na artista mula sa kanilang pamamahala bukod pa sa tumaas ang premium ng mga ito kaya naman sa laki ng mga talent fee nila ay nakapagpatayo sila ng magaganda nilang bahay, negosyo at ‘yung iba ay nasa investment ang mga sobrang kita.
Aminado naman ang mga taga-GMA Artist Centre na nakakausap namin na iba ang dating ng mga artista ng ABS-CBN kung ikukumpara sa kanila.
Eh, kasi nga, walang branding o magandang packaging ang GMA Artist Centre para sa mga artista nila.
Kaya maraming Star Magic artists ang nalungkot nang umalis na sina Ms. Mariole at Mr. M sa ABS-CBN na itinuring na ikalawang magulang nila at ‘yung iba nga ay umalis na rin at nagpa-manage na sa iba tulad nina John Lloyd Cruz, Maja Salvador at Bea Alonzo.
Speaking of GMA Artists Centre ay marami kaming nasasalubong na talents nila sa mall na hindi namin kilala noong wala pang COVID 19 pandemic dahil mga hindi nakabihis o parang pupunta lang sa convenience store ang porma, o kaya, tipong magba-bike sa village.
Anyway, ayon kay ‘Nay Cristy, sana intindihin ang mga taong lumilipat sa ibang network dahil kumakalam din ang kanilang mga sikmura.
“Ito po ay tawag ng panahon na sa panahon ng pandemya ay kailangan nila ng trabaho tulad din ng mga artista at tayong mga ordinaryong tao. Kailangan pong mapalitan ‘yung salapi na lumalabas sa kanilang bulsa para sa mga hindi nakapag-ipon at hindi napaghandaan ang ganitong panahon. Talagang gutom po ang aabutin kapag hindi sila magtatrabaho. Kaya huwag na po nating sinisisi na walang utang na loob, walang loyalty. Ganu’n naman po talaga," paliwanag ni Tita Cristy.
תגובות