ni Gerard Peter - @Sports | November 10, 2020
Ibinunyag ni Top Rank CEO at owner Bob Arum na hindi pa rin nawawala sa kanilang mga plano ang maitapat ang mga mabibigat na pangalan sa pambato nitong si WBO welterweight titlist Terrence “Bud” Crawford (36-0, 27KOs) sa susunod na taon, kabilang na ang laban sa nag-iisang eight-division World champion Manny “Pacman” Pacquiao (62, 7-2, 39KOs) at unified 147-pound title holder Errol “The Truth” Spence Jr.
Kahit pa man nakalinya na ang laban ng undefeated American boxer laban kay dating IBF welterweight champ Kell Brook (39-2, 27KOs) ng United Kingdom sa Nobyembre 14, 2020 sa MGM Grand Conference Center sa Las Vegas, Nevada sa Estados Unidos; puntirya pa rin ng 88-anyos na American lawyer at boxing promoter na maganap ang inaasam na salpukan ng kasalukuyan at dating alaga sa larangan ng boksing. “The next fight is going to be, as far as I can control things, we’re not going to fool around, it’s going to be Pacquiao or Spence,” wika ni Arum sa panayam ng ESPN.
Nauna ng inihayag ng Brooklyn, New York City-native na nagkaroon na ito ng maayos na ‘deal’ para ganapin ang Crawford-Pacquiao clash para sa unification title ng kanilang WBO at WBA titles sa Qatar, ngunit, umatras umano ang mga opisyales ng suporta dahil sa panganib na dulot ng novel coronavirus disease (Covid-19) outbreak, na nais muling buksan ng Hall of Famer promoter sa oras na umayos na ang sitwasyon.
Naniniwala ang Harvard Law School graduate na may posibilidad na muling mabuksan ang usapan sa pagitan ng Top Rank at promoter ni Pacman na Premier Boxing Champions (PBC) ni Al Haymon sa lupain ng Amerika, dahil parehong makikinabang ang dalawang promotional outfit sa kikitain ng salpukan ng dalawang kampeon. “It’s to everybody’s benefit for us to do it together. If the fighters want guarantees, I think Haymon would be reluctant to face that bill himself. If it cratered, he would lose a lot money. This way he would have a partner in the money,” saad ni Arum.
Gayunpaman, kinakailangan pang masigurado kung matutuloy ang sagupaan ng Fighting Senator at ni UFC two-division champion Conor ‘The Notorious” McGregor sa ibabaw ng ring sa 2021. Nagkaroon na rin ng usapan na maaaring magbalik sa loob ng octagon si McGregor para sa rematch nila ni Dustin Poirier sa Enero na kanyang tinalo noong UFC 178 sa pamamagitan ng 1st round TKO victory noong Setyembre 27, 2014 sa Las Vegas.
Hinggil naman kay Spence Jr (26-0, 21KOs), nakatakdang idepensa nito ang kanyang WBC at IBF title laban kay two-division champion Danny Garcia (36-2, 21KOs) sa Disyembre 5, 2020 sa AT&T Stadium sa Arlington Texas.
Comments