ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 26, 2021
Nagsimula na ang 2021 KPMG Women’s PGA Championships sa palaruan ng Johns Creek, Georgia at sa pangalawang sunod na major event ng Ladies Professional Golf Association (LPGA) tour ay kasama sa mga may magandang tsansa para sa korona ay isang kinatawan ng Pilipinas sa katauhan ni Dottie Ardina.
Ang dating premyadong jungolfer ng bansa mula sa Canlubang ay nakaupo ngayon sa pang-10 baytang at nagsisilbing pinakamakinang na bituin ng Philippine golf sa paligsahang nilalahukan ng mga pinakamababangis na lady parbusters mula sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig.
Nagpakawala si Ardina, 28, at nakapasok sa torneo dahil sa mga nakulektang CME Globe Points, ng mga birdies sa pang-2, -4, -13 at -17 na mga butas upang kontrahin ang dalawang bogeys tungo sa pagsusumite ng disenteng 2-under-par 70 sa kompetisyong naglalaan ng pabuyang $4,500,000 para sa mga mananalo.
Si Asian Games double gold medalist at kasalukuyang US Open champion Yuka Saso ay nagsumite ng isang 1-over-par 73 na kartada at pansamantalang nakaupo sa pang-39 posisyon. Ang iskor ng pambato ng Pilipinas sa naantalang Tokyo Olympics ay anim na palo na ang layo sa tumatrangkong si World no. 45 Lizette Salas ng U.S. at limang strokes sa pumapangalawang si Charley Hull ng England. Pitong kalahok ang naghahatian sa pangatlong baytang.
Isa pang 2020 Tokyo Olympian kagaya ni Saso ay si Bianca Pagdanganan na umiskor lang ng 4-over-par 76 at namemeligrong mapauwi nang maaga dahil sa pagdausdos sa pang-93 baytang.
Kasosyo ni Ardina sa pang-10 puwesto sina Chella Choi (South Korea), Gee In Chun (South Korea), Cydney Clanton (U.S.A), Maria Fassi (Mexico), Mina Harigae (U.S.A), Ariya Jutanugarn (Thailand), Nelly Korda (U.S.A), Madsen Nanna (Denmark), Giulia Molinaro (Italy), Gerina Piller (U.S.A), Madelene Sagstrom (Sweden) at Patty Tavatanakit (Thailand).
Comments