ni Grace Poe - @Poesible | August 31, 2020
Holiday tayo ngayong araw dahil National Heroes Day. Inaalala natin ang Sigaw ng Pugad Lawin, ang simula ng rebolusyon ng Pilipinas laban sa ating mananakop, sa pamamagitan ng pagpipilas ng mga Katipunero ng kanilang mga sedula. Ipinagbubunyi rin natin ang ating mga bayani na nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan ng ating Inang Bayan.
Sa panahong ito, iba ang anyo ng kabayanihan dahil iba ang kalaban ng ating bansa. Bayani ang ating medical frontliners na patuloy na nagtatrabaho kahit sila ay magkaroon ng exposure sa COVID-19.
Nariyan ang ating frontliners sa ibang industriya na patuloy na naglilingkod para makapaghatid ng serbisyo sa ating mga kababayan. Ngayong pandemya ang kalaban natin, kabayanihan ang gawing mabuti at mahusay ang trabaho para sa kaligtasan ng nakararami.
Isang malaking pangangailangan ngayon sa ating laban sa COVID-19 ay ang epektibong contract tracing. Ito ang panawagan natin sa Department of Interior and Local Government (DILG) para mapigil ang pagkalat ng virus sa ating mga komunidad.
Samantala, panibagong P5-B ang inilaan sa ilalim ng ratipikadong Bayanihan to Recover as One Bill. May pondo na, ang DILG at ang lokal na pamahalaan na lang ang tutukoy ng mga tao na magsasagawa ng contact tracing. Ang ating mga lokal na opisyal ay may kakayahang tuntunin ang galaw ng mga tao dahil pamilyar sila sa lokalidad at sa mga naninirahan dito. Kung matutukoy agad ang mga taong positibo o may contact sa positibo, puwede agad silang i-isolate para hindi na makahawa ng ibang tao.
Nakita na natin sa karanasan ng mga bansang may mahusay na tugon sa pandemya ang kahalagahan ng contact tracing sa pagsugpo sa kontaminasyon. Ang nakalulungkot, mabagal ang ating Department of Health sa paglalatag at implementasyon ng contact tracing. Maaaring makatulong ang pagkakaroon ng tulong mula sa lokal na pamahalaan at DILG para sa sistematiko at epektibong pagtunton ng koneksiyon at interaksiyon ng mga taong positibo sa COVID-19.
Ang contact tracing ay magiging matagumpay lamang kung buo ang tiwala ng sambayanan sa pamahalaan at sa mga tao nito. Gawin natin ang ating parte para mapanatili ang integridad nito sa pamamagitan ng pagiging matapat para sa kapakanan ng lahat.
Comments