ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 10, 2022
Isa sa pinakamahalagang araw sa kasaysayan ng bansa ang ginugunita tuwing sasapit ang ika-12 ng Hunyo – ang ‘Araw ng Kasarinlan’ o Independence Day.
Isa itong regular holiday sa Pilipinas na ipinagdiriwang taun-taon bilang paggunita sa deklarasyon ng ating bansa noong Hunyo 12, 1898 na simula na ng ating kalayaan mula sa mahabang panahong pananakop sa atin ng mga Kastila.
Ang taunang pagtalima sa ating Independence Day ay nagsimula makaraang lagdaan ni dating Pangulong Diosdado Macapagal ang Republic Act No. 4166 noong Agosto 4, 1964 na isa na itong legal holiday.
Ang naturang batas ay base sa deklarasyon ni General Emilio Aguinaldo at ng puwersa ng rebolusyunaryong Pilipino na nagsikap para makakawala tayo sa kalupitan ng mga Kastila. Sa kauna-unahang pagkakataon noong 1898 ay itinaas ang bandila ng Pilipinas kasabay ng pagpapatugtog ng ating pambansang awit, ngunit ang inakala nating kalayaan ay napakaiksi lamang dahil sa hindi kinilala ng Kastila at ng Estados Unidos ang isinagawa nating deklarasyon.
Ang kasunduan sa Paris noong 1898 ang siyang naging dahilan kaya tuluyan nang nahinto ang giyera sa pagitan ng Espanya at United States — isinuko ng mga Kastila ang buong kapuluan at ikinompromiso sa mga Amerikano.
Nagsimula naman ang pag-aalsa ng Pilipinas laban sa Amerika noong 1899 at nakamit natin ang pambansang soberanya noong Hulyo 4, 1946 hanggang sa maaprubahan nga ang RA No. 4166 na siyang nagdeklara bilang holiday ang Hunyo 12.
Totoong ang Independence Day ay special public holiday, ito ay araw ng pahinga o day-off para sa lahat ng ating mga nagtatrabahong kababayan, walang pasok sa eskuwela at karaniwan ay sarado ang ilang mga negosyo, ngunit sa taong ito ay pumatak sa araw ng Linggo ang ating paggunita.
Karaniwang ginugunita ang Independence Day sa pagsasagawa ng mga parada na nilalahukan ng mga mag-aaral, empleyado ng pamahalaan, manggagawa at iba pang sektor upang hindi makalimutan ng ating mga kababayan ang makasaysayang pangyayari.
Ngunit ang pinakaaabangan ay ang parada ng mga pulis at sundalo na pinangungunahan ng Pangulo ng bansa at karaniwang nagwawakas sa isang talumpati at pagbibigay ng 21-gun salute.
Marami naman sa ating mga kababayan ang inuubos lamang ang Araw ng Kasarinlan sa pamamagitan ng pamamasyal sa mga parke at pagtungo sa mga shopping mall at masayang ninanamnam ang kalayaang ating tinatamasa.
Mahalagang kahit isang araw ay maisip ng kabataan na malaya nilang nagagawa ang kanilang mga gusto tulad ng pagsasayaw, pag-awit, pakikilahok sa mga palakasan at iba pang gawain dahil sa kabayanihan ng mga magigiting na Pilipino.
Maraming kabataan ngayon ay mahuhusay magsulat, magagaling gumawa ng mga makabagong kanta at mga nilalaman sa youtube at iba pang social media platform na sana ay hindi naman makalimutan ang ating kasaysayan.
Araw-araw ay may bagong nauuso, may bagong pangyayari, may bagong sumisikat na pinagkakaabalahan ng ating mga kababayan, ngunit sana naman sa tuwing sasapit ang ‘Araw ng Kasarinlan’ ay saglit tayong lumingon sa kalawakan para alalahanin naman ang napakahalagang araw na ito para sa bawat Pilipino, kahit saglit lang!
Happy Independence Day! Mabuhay ang Pilipinas!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comentarios