top of page
Search
BULGAR

Araw-arawin ang pagpapasalamat

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 5, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Itong ika-7 ng Hulyo ay Thank You Day sa UK, kung saan magkakaroon ng malawakang pagpupugay sa mga taong walang humpay magpamalas ng pagmamalasakit, gaya ng mga guro at mga boluntaryong tumutulong sa mga ordinaryong mamamayan doon. Iba pa ito sa International Thank You Day, na kada ika-11 ng Enero ipinagdiriwang.


Bukod pa iyan sa kilalang Thanksgiving na idinaraos sa ilang mga bansa na ang pinakakilala ay ang sa Estados Unidos tuwing ikaapat na Huwebes ng Nobyembre. Ang mismong kapistahang iyon sa Amerika ay sinabayan pa rito sa atin noong mga taon ng pananakop ng mga Amerikano, hanggang sa patagong pagdiriwang noong panahon ng mga Hapon na nagpatuloy hanggang 1969.


Wala pa mang opisyal na araw ng pasasalamat dito sa atin, masagana naman tayo sa pagkakataong magpahayag ng pagpapahalaga at pagkalugod. Hindi lamang sa isang wika tayo marunong magpasalamat, kundi pati mag-thank you gamit ang diyalekto ng ating probinsya at lengguwahe ng ilang banyagang lahi. Madalang mang maringgan ng pasasalamat ang ilan sa atin, sa bandang huli ay likas ito sa ating katauhan at posibleng naibaon lang ng napakaraming pasanin.


Ang inyong lingkod ay nagpapasalamat sa inyong pagbasa, pagsubaybay at pag-intindi

ng nilalaman ng espasyong ito sa loob ng dalawang beses sa isang linggo. 


Sinuman sa atin, anuman ang kalagayan sa kasalukuyan, ay marami-rami rin ang maaaring ipagpasalamat na marahil pa nga’y nababalewala dahil nandiyan lang naman — gaya ng kapamilya, katrabaho, kaibigan, gumaganang sentido, ihip ng hangin, maging mga panlaman ng tiyan at ng isipan, pati ang ating mismong buhay at patuloy na paghinga na biyaya ng Maykapal. Maging ang ating maliliit o malalalim na karanasan, kahit ang tila hindi kanais-nais, ay maaaring daluyan ng ating taglay na pagiging mapagpasalamat.


Tulad din ng pag-eehersisyo ang pagpapasalamat, na maraming naidudulot na pakinabang sa ating kalusugan at katauhan. Makadarama tayo ng dagdag na sigla at gaan ng pakiramdam, na dala ng pagbawas sa nakalalasong emosyon sa ating katawan.


Nakapagwawaksi rin ito ng kalungkutan o panghihina ng loob, at nakatutunaw ng walang saysay na pagkabahala. Nakapagpapalawig din ito ng ating mga relasyon at pakikipagkapwa. 

Iniibsan din ng pagiging mapagpasalamat ang pag-iisip ng mga kakulangan sa buhay, lalo na kung ang inaasam ay hindi naman talaga kailangan. Nakapagpapalalim ito ng pananaw, sa mga oras ng pagsubok, at sa halip na malunod ay makakasabay tayo sa agos ng hindi inaasahang mga pangyayari nang may pag-asa. Magdadala rin ito ng ngiti sa ating mukha sa halip na lungkot o pagsimangot. Magiging maaliwalas din ang tingin natin sa ating sarili at makapagpapalalim ng tulog. 


Dagdag pang kagandahan ng pagpapasalamat ay lalo tayong magiging matulungin sa kapwa. Maaari pa tayong maging daan upang maging mapagpasalamat ang ibang tao, partikular na ang mga lugmok sa kahirapan na halos walang makitang dahilan para ngumiti at magpasalamat. Ito ay maging sa maliit man lang nating pagpapamalas ng kabaitan o malasakit, o kahit sa masinsinang pakikinig sa katuwang o kaibigang naghahanap ng mahihingahan ng sama ng loob. 


Hindi pa nga kailangang idaan sa salita ang pagpapasalamat, dahil puwede itong ipakita sa aksyon, sa mga kilos na may kabutihang asal at sa pagtatala ng mga bagay na mainam ipagpasalamat sa pagtatapos ng bawat araw.


Kaya naman ating pasalamatan ang lahat ng mapasasalamatan — kakilala man o bagong nakasalamuha, malayo man o nakatambad sa ating harapan, pambihirang pangyayari man o ordinaryong bagay lamang. Kung aasintaduhin natin at uugaliin ang pagiging mapagpasalamat, ito’y posibleng pagmulan ng malawakang katiwasayan, kaayusan at kaunlaran — ng ating sarili, pamilya, komunidad, at ng ating minamahal na Pilipinas.

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page