top of page
Search
BULGAR

Aranas, 2nd place sa Midwest open 9-ball

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | March 20, 2021




Kuminang na naman ang husay ni Zorren James “Dodong Diamond” Aranas ng Pilipinas at tuluyan nitong nahablot ang pangalawang puwesto sa sagupaang 9-Ball Banks ng Midwest Open Billiards Championships sa palaruan ng Michael’s Billiards sa Fairfield, Ohio.


Mahigit 100 manunumbok ang-ambisyong maka-podium kung hindi man magkampeon sa maigting na double elimination tournament. Kabilang dito sina Fedor Gorst ng Russia, Canadian John Morra, Omar Alshaheen ng Kuwait, Venezuelan Jesus Atencio at ang mga kapwa Pinoy na manunumbok na sina Jeffrey De Luna, Roberto “Superman” Gomez at dating World 8-Ball king Dennis “Robocop” Orcollo.


Sa unang salang sa mesa ni Aranas sa panahong pilit na nilalabanan ng mga apisyunado ng pagtumbok ang pandemya, binokya niya si dating World 9-Ball Championship 2nd placer Gomez, 3-0. Hindi rin nakasampa sa scoreboard si Payne McBride nang makaharap ang Pinoy. Isang 3-1 na panalo naman ang itinakas ni Aranas kontra kay Jeremy Slye bago niya naungusan sina John Brumback at Dee Atkins sa kaparehong iskor (3-2). Ipinoste niya ang kanyang pang-anim na sunod na panalo nang paluhurin nito si John Hennessee (3-1) pero nasipa ang Pinoy papunta sa loser’s bracket nang makabangga niya si Billy Thorpe sa duelo para sa hotseat (1-3).


Bumalikwas naman agad si Aranas, minsan nang naging runner-up sa Las Vegas Open, nang patahimikin niya si Hunter White, 3-0, at iangat ang kanyang rekord sa 7-1 panalo-talo. Dahil dito, naselyuhan niya ang upuan sa finals kung saan naghihintay ang pambato ng Estados Unidos na si Thorpe. Pero naubusan ng “karat” si “Dodong Diamond” kaya nakuntento na lang ang Pinoy sa pag-upo sa pangalawang baytang.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page