ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 14, 2023
Magandang balita! Aprubado na sa Senado ang isinusulong ng inyong lingkod na Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act o ang Senate Bill No. 1604. Nasasabik na tayong maisabatas ito sa lalong madaling panahon dahil tutulong itong matugunan ang learning loss na naidulot ng pandemya ng COVID-19.
Nag-umpisa ang ideya ng panukalang ARAL Program noong kasagsagan ng pandemya sa intensyong mapaigting ang learning recovery para sa mga batang apektado ng pandemya. Sa naturang programa, titiyakin na makakatanggap ang mga estudyante ng sapat na oras para sa pag-aaral, matututunan nila ang essential learning competencies, at makakahabol sila sa kanilang mga aralin.
Saklaw ng panukalang programa ang essential learning competencies sa ilalim ng Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at Science mula Grade 3 hanggang Grade 10.
Bibigyang prayoridad ng programa ang numeracy at pagbabasa. Para sa mga mag-aaral ng kindergarten, tututukan ng ARAL Program ang mga dagdag-kakayahang magpapatatag ng kanilang numeracy at literacy competencies.
Bibigyang-prayoridad din ng ARAL program ang mag-aaral sa mga pampublikong paaralan na hindi nag-enroll simula School Year 2020-2021 at ang mga hindi nakaabot sa minimum proficiency na kinakailangan sa Language, Mathematics, at Science. Maaari ring maging bahagi ng programa ang mga mag-aaral mula sa mga pribadong paaralan.
Magsisilbing mga tutor sa ilalim ng ARAL Program ang mga guro at para-teachers.
Maaari ring magboluntaryo bilang tutor ang mga kuwalipikadong mag-aaral mula sa senior high school at kolehiyo. Para sa mga mag-aaral sa kolehiyo at senior high school na magsisilbing mga tutor, makakatanggap sila ng mga credits na katumbas ng Literacy Training Service sa ilalim ng National Service Training Program.
Ayon sa simulation analysis ng World Bank para sa Pilipinas, bababa mula 7.5 taon hanggang 5.7 o maging hanggang 6.1 taon ang Learning Adjusted Years of Schooling. Ibig sabihin, magiging katumbas na lamang ng 5.7 hanggang 6.1 taon ang kalidad ng 12 taon ng basic education sa Pilipinas sa pagwawakas ng pandemya.
Isang mahalagang hakbang ang pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ng ating panukalang ARAL Program upang makabangon ang sektor ng edukasyon mula. Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education ay sisiguraduhin nating makakahabol sa kanilang mga aralin ang mga kabataang mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comentarios