top of page
Search
BULGAR

Aral Program Act, para makabalik ang mga dropout

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 29, 2023


Sa gitna ng ating pagrepaso ng K to 12 program sa ilalim ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), isa sa mga prayoridad na mahalagang tugunan ay ang bilang ng mga dropouts — kung saan apat sa 10 mga mag-aaral na pumapasok sa Grade 1 ay umaalis ng paaralan pagdating ng Grade 10.


Kung titingnan natin ang datos ng Department of Education (DepEd) at pagsusuri ng tanggapan ng inyong lingkod, sa 100 na mag-aaral na pumasok sa Grade 1 noong School Year (SY) 2010-2011, 60 lamang ang tumuloy hanggang Grade 10 at 58 lamang ang natapos ng junior high school.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, ang hamon para sa atin ay kung paano tutulungan ang 40% ng mga kabataan na nagda-drop out pagdating ng Grade 10. Kailangang mapag-isipan kung paano mananatili ang mga bata mula Grade 1 hanggang Grade 10 at isa itong hamon na kailangan nating tutukan sa EDCOM.


Ang kawalan ng personal na interes sa pag-aaral ng mga kabataang may edad na 12 hanggang 17 ang nangungunang dahilan ng hindi nila pagpasok sa paaralan. Batay sa 2019 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), 41.9% ng mga kabataang may edad na 12 hanggang 15 at 28.3% ng mga may edad na 16 hanggang 17 ang nagsabing wala silang interes pumasok.


Pumapangalawa naman sa dahilan ng kanilang hindi pagpasok ang kawalan ng sapat na kita ng pamilya. Ayon sa parehong survey, 14.4 porsyento ng mga kabataang may edad 12 hanggang 15, at 15.4 porsyento ng mga may edad 16 to 17 ang hindi nagpatuloy sa Grade 10 dahil hindi sapat ang kita ng pamilya.


Kaya naman mariin nating isinusulong ang panukalang ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604) para sa pagpapatupad ng mass awareness campaign. Sa ganitong paraan, mahihikayat ang pagbabalik ng mga mag-aaral sa paaralan. Layunin ng panukalang ARAL Program ang pagpapatupad ng pambansang programa para sa learning recovery upang tugunan ang pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19.



 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page