ni Lolet Abania | September 28, 2021
Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabakuna kontra-COVID-19 para sa general population at menor-de-edad simula sa Oktubre, ayon sa Malacañang.
Sa kanyang regular press briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ito ay dahil sa malaking bilang ng mga doses ng COVID-19 vaccine ang dumating kamakailan sa bansa habang maraming pang inaasahang bakuna na darating sa mga susunod na linggo.
“Ang good news, inaprubahan na ni Presidente ang pagbabakuna ng general population simula po sa buwan ng Oktubre,” ani ni Roque.
Ayon pa kay Roque, aprubado na rin kay Pangulong Duterte ang pagbabakuna sa mga minors laban sa COVID-19 habang hinimok din ang mga magulang na ipalista na ang pangalan ng kanilang mga anak.
“Ating hinihikayat ngayon ay magpa-masterlisting na po ang mga magulang ng mga kabataan para mapalista na ‘yung mga kabataan ‘pag nagsimula na po tayo,” ani opisyal.
“Inaasahan natin na magsisimula rin tayo sa buwan ng Oktubre, aprubado na rin po iyan ng ating Presidente,” dagdag niya.
Sinabi ng kalihim, ito ay base sa rekomendasyon ng National Task Force Against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. “Vaccine is your best defense for yourself and your community,” saad ni Roque.
Matatandaang binigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ng bansa ng emergency use authorization (EUA) ang Moderna at Pfizer-BioNTech vaccine na gamitin para sa mga edad 12 hanggang 17.
Ang Sinovac ay naghain na rin nito sa FDA para sa kanilang approval na gamitin ang naturang vaccines sa mga kabataan.
Nabanggit naman ni Galvez na mahigit sa 61 milyon doses ng COVID-19 vaccine ang darating sa bansa ng Setyembre at Oktubre.
Nitong Setyembre 6, ang lahat ng local government units (LGUs) ay nagbaba na ng direktiba hinggil sa pagbabakuna sa priority sectors A1 hanggang A5.
Sa ilalim ng A1 priority category, sila ang mga nasa frontline health services, A2 naman ay mga senior citizens, A3 ay persons with comorbidities, A4 ay frontline personnel na nasa essential sectors kabilang na ang mga uniformed personnel, at A5 ay ang mga indigent population.
Comments