ni Lolet Abania | July 14, 2022
Pinal na ang pagsisimula ng klase para sa School Year 2022-2023 sa Agosto 22, ayon kay Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ngayong Huwebes, sa gitna ng mga panawagan para sa pagpapaliban nito.
“Iyong school year po natin ay approved na ng Pangulo, August 2022 to July 2023,” pahayag ni VP Sara sa mga reporters.
Ito ang naging tugon ni VP Sara sa panawagan ng Teachers’ Dignity Coalition na iurong ang pagbubukas ng iskuwela upang makapagbigay ng mas maraming oras sa mga guro at estudyante na makapaghanda para sa in-person classes.
Ayon sa DepEd secretary, ang pinagsamang o combined in-person classes at distance learning ay ipatutupad mula Agosto hanggang Oktubre, habang ang 5-araw na face-to-face classes ay sisimulan sa Nobyembre.
Sinabi rin ni VP Sara na ang mga paaralan ay ligtas nang makapagbubukas ng klase sa ngayon dahil sa nakapagtakda at nagsagawa na rin ng mga health protocols noong nakaraang dalawang taon.
“The difference now is we know the health protocols by heart, we have vaccines and we have a lot of supply of it, and we have COVID-19 medicines,” ani VP Sara.
“Wala na po tayong aantayin,” dagdag pa niya.
Comments