ni Lolet Abania | December 1, 2020
Pinag-iisipang ibalik ang face-to-face classes sa mga lugar na may mababang panganib ng COVID-19 kasabay ng pagpapatupad pa rin ng minimum health standards, ayon sa pahayag ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III.
“Kung ang lugar naman ay COVID-free for two weeks or four weeks, I am not sure, but zero case, walang COVID, walang risk halos, mababa ang risk, baka doon puwedeng pagbigyan,” sabi ni Duque sa isang interview ngayong Martes.
Ito ang tugon ng kalihim sa magiging rekomendasyon niya kay Pangulong Rodrigo Duterte patungkol sa pagbabalik ng face-to-face classes.
“Basta very low risk or minimal risk, I think that should be considered in the decision whether face-to-face classes would be allowed,” sabi ni Duque.
Samantala, noong Linggo, nagpahayag ng pagtutol si Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año para sa panawagan ng pagbabalik ng face-to-face classes.
"Ang sinasabi natin, huwag na lang natin munang i-rush. Kasi ang tanong diyan, ikaw gusto mong gawin 'yan pero sino ba ang responsable diyan? Ikaw ba? Ang galing mong magrekomenda pero wala ka naman palang responsibilidad diyan," sabi ni Año.
"Kung magkasakit at magkaroon ng spike, ikaw ba ang gagamot diyan, ikaw ba magsasagot ng gastos diyan? Pangalawa, sino'ng magiging accountable?" mariing sabi pa ni Año.
Comments