top of page
Search
BULGAR

Aplikasyon para sa STMLPCP, hanggang May 14, 2022 lang

@Buti na lang may SSS | February 20, 2022



Dear SSS,


Mayroon akong SSS salary loan sa previous employer ko at hindi ko ito naipakaltas sa aking kasalukuyang employer. Dahil dito, hindi ko nabayaran ang aking loan mula noong 2018. Kaya nag-aalala ako na baka malaki na ang penalty nito. Mayroon bang condonation program ang SSS ngayon? - Paulie



Sagot


Mabuting araw sa iyo, Paulie!


Napapanahon ang katanungan mo dahil pinalawig ng SSS hanggang May 14, 2022 na dating February 14 ang pagtanggap ng aplikasyon para sa Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program (STMLPCP) o ang Pandemic Relief and Restructuring Programs (PRRP) 5. Inilunsad ang nasabing programa upang matulungan ang mga miyembro na may mga pagkakautang sa SSS na maibalik ang kanilang good standing sa SSS. Sa ilalim ng nasabing programa, hindi na kailangang bayaran ang mga naipong multa o penalties sa iyong delinquent loans o hindi nabayarang utang sa SSS, tulad ng salary loan, Paulie. Maliban sa salary loan, saklaw din nito ang Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.


Ang babayaran na lamang ay ang prinsipal at interest kung saan maaari mong bayaran ito ng buo o one-time full payment, o kaya’y bayaran ang 50% nito bilang down payment at ang natitirang balanse sa pamamagitan ng installment sa loob ng anim na buwan.


Kinakailangan lamang na matugunan ang mga sumusunod na kondisyon:


  • hindi nabayaran ang short-term member loan sa loob ng anim na buwan bago ang implementasyon ng programa;

  • hindi pa nabibigyan ng final benefit claim, tulad ng permanent total disability o retirement benefit; at

  • hindi na-disqualify dahil sa panloloko o fraud laban sa SSS;


Kuwalipikado rin sa nasabing programa maging ang mga tagapagmana o benepisaryo ng namatay na miyembro na nag-file ng aplikasyon para sa final benefit claim tulad ng death, permanent total disability o retirement, kung saan ang kanilang contingency date ay nakapaloob sa panahon ng application period para sa naturang condonation program.


Dagdag pa rito, ang mga miyembro na magbabayad sa ilalim ng installment basis ay kinakailangang hindi lalagpas sa 65 taong gulang sa pagtatapos ng kanilang installment term.


Hindi mo na rin kailangang magtungo sa sangay ng SSS sa pag-file nito sapagkat maaari mo na itong gawing online gamit ang iyong account sa My.SSS. Kaya dapat tiyakin mong may account kang nakarehistro ka na sa My.SSS.


Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at i-click ang “Apply for an SS Number Online” upang makita mo ang gabay at mga kinakailangang requirement sa pagrerehistro dito. Kailangang punan ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan, ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit ang My.SSS account ng miyembro.


Samantala, binabati namin ang lahat nating tagapagtangkilik ng ating kolum na ito, lalo na sa iyo, Paulie ng isang Maligayang Araw ng mga Puso!


***


Nais naming ipaalam sa ating mga miyembro na binuksan din ng SSS ang Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4 noong Nobyembre 22, 2021. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan.


Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila. Tatagal naman ang pagtanggap ng aplikasyon hanggang May 21, 2022.



 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page