ni Lolet Abania | November 17, 2021
Aprubado na ng Food and Drug Administration (FDA) ang aplikasyon ng Covovax vaccine para sa emergency use authorization (EUA) laban sa COVID-19.
Ang Novavax na nakabase sa Amerika, ang siyang US drugmaker ng bakuna subalit ang kanilang Covovax vaccine ay manufactured sa Serum Institute of India Private Limited na siya namang nag-apply para sa EUA nito sa bansa.
Sa Laging Handa briefing ngayong Miyerkules, sinabi ni FDA Director-General Eric Domingo na ang bakuna ay posibleng i-administer sa mga indibidwal na edad 18 at pataas dahil aniya, para maiwasan ang sakit sa baga.
“Bagong klaseng bakuna po ito, ito po ay tinatawag na protein subunit… isang parte po na pure part of the antigenic [na] parte po ng virus ang kanyang nire-replicate.
Pagkatapos ito ang ine-inject para mag-elicit ng immune response,” paliwanag ni Domingo.
Ayon kay Domingo, ang vaccine ay ibibigay ng dalawang doses na may interval o pagitan ng tinatayang tatlo hanggang apat na linggo.
“Nakita po sa kanyang mga clinical trial na very mild ang mga adverse event na reported… and an efficacy rate of preventing COVID-19 about 89.7%,” sabi ni Domingo.
“So ito po ay isang possible natin na maaring magamit na bakuna. Lalung-lalo na siguro towards the end of the year o sa darating na 2022,” dagdag ng opisyal.
Comments