ni Angela Fernando - Trainee @News | March 15, 2024
Ibinasura ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Mosyon sa pagsasaalang alang o Motion for Reconsideration na inihain ng Cignal TV Inc. at ng TV Program nito na “Private Convos with Doc Rica” na naglalayong bawiin ang desisyon ng lupon noong 15 Enero 2024.
Sa desisyong inilabas nito noong Marso 14, 2024, kinatigan ng Board ang hatol nito matapos makita ang palabas na may tahasang nilalaman at karanasang sekswal na inihayag ng mga bisita ng programa sa oras kung saan karamihan ng mga manonood ay kabataan.
“Hindi dapat sirain ang kapakanan ng mga batang Pilipino. Bilang ahensya na nagsusulong ng mga Regulasyon at Pagpapaunlad, tinitiyak ng MTRCB na ang mga nilalaman sa ilalim ng hurisdiksyon nito ay nagpapakita ng mga positibong halaga at nakakatulong sa moral na pag-unlad ng mga bata," sabi ni MTRCB Chairperson at Chief Executive Officer Lala Sotto.
Ayon sa Board, ang desisyon nito ay naaayon sa tungkulin nila bilang "parens patriae" upang protektahan ang mga bata mula sa hindi naaangkop na mga palabas na maaaring makasama sa pagsulong ng mga dekalidad na programa sa telebisyon at proteksyon ng moral na pag-unlad ng mga bata.
Napanatili ng Board ang orihinal nitong posisyon, na nagsasaad na ang programa sa telebisyon ay purong umaapela sa “prurient interest” na lumalabag sa P.D. No. 1986. Ang Lupon ay nanatiling hindi kumbinsido sa mga pahayag ng mga Respondente at inulit na ang paggamit ng wikang puno ng kasarian at tahasang mga talakayan sa mga sekswal na karanasan ay walang lugar sa oras kung saan karamihan ng mga manonood ay bata.
Comentários