ni Lolet Abania | September 21, 2021
Nakapaghanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng libu-lubong food packs na ipapamahagi sa mga residente sa Metro Manila na apektado ng granular lockdowns sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Glenda Relova, nasa 1,000 food packs ang kanilang inihanda bawat isa sa Caloocan, La Piñas, Parañaque, Pateros, Mandaluyong, Manila, Marikina, Taguig at Valenzuela.
“Later in this week ipe-preposition na rin natin sa ibang cities at sa isang municipality ng NCR (National Capital Region) ‘yung atin pong mga food packs,” ani Relova sa isang interview ngayong Martes.
Sinabi ni Relova na ang apektadong pamilya ay makatatanggap ng tatlong food packs sa isang linggo.
Paliwanag ni Relova, sa ilalim ng guidelines para sa bagong alert level system na isinasagawa na sa Metro Manila, ang DSWD ay magbibigay ng assistance sa mga apektadong pamilya sa ikalawang linggo ng two-week granular lockdown, kung saan ang unang linggo ay sasagutin ng local government unit (LGU).
“In the event na hindi pa rin bumababa ang surge at kinakailangan pa rin ng ayuda, o ma-extend ang granular lockdown, patuloy pa rin na mag-o-augment ang DSWD,” sabi ni Relova.
Ayon pa kay Relova, ang ahensiya ay mayroong P1.3 billion halaga ng food packs “and non-food items” na nakaposisyon na para sa pilot implementation ng alert level system at granular lockdown sa NCR.
“Nagprepara na rin kami ng paghingi ng supplemental budget sa DBM (Department of Budget and Management) para kung sakaling maging nationwide ang implementation nito,” saad ng kalihim.
Comentários