top of page
Search
BULGAR

Anxiety at depresyon, mataas ang risk sa mga taong obese o overweight

ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | July 29, 2021




Maraming salamat, Rene sa iyong pagsubaybay sa Sabi ni Doc.


Ipagpatuloy nating sagutin ang iyong mga katanungan. Noong Martes ay pinag-usapan natin ang mga dahilan kung bakit tumataba ang indibidwal. Nalaman nating maaari tayong tumaba kung sobra ang ating kinakain kaysa sa pangangailangan ng ating katawan. Gayundin, kung kulang ang pagkilos o pag-e-exercise. Maaari ring maging dahilan ang genes, sakit at pag-inom ng mga gamot na maaaring makataba.


Tungkol sa iyong pangalawang katanungan, kung ano ang iyong tamang timbang. Salamat at binanggit mo ang iyong height. Ang mga health experts ay may screening tool na ginagamit upang malaman kung ang indibidwal ay nasa tamang timbang, kung overweight o obese na.


Ang screening tool, na tinatawag na Adult Body Mass Index o BMI ay base sa height o tangkad ng indibidwal at sa kanyang kasalukuyang timbang. Halimbawa, sa iyong height o tangkad na 5 feet 4 inches at kasalukuyang timbang na 186 pounds, ang iyong Body Mass Index o BMI ay 32. Makikita ang Body Mass Index Table sa website ng National Heart, Lung and Blood Institute, at narito and link sa kanilang website – https://www.nhlbi.nih.gov/health/educational/lose_wt/BMI/bmi_tbl.htm. Maaari mo rin gamitin ang tinatawag na “BMI calculator” upang mabilis mong malaman ang iyong Body Mass Index o BMI. Makikita ang BMI Calculator sa website ng Center for Disease Control and Prevention at narito ang link sa kanilang website – https://www.cdc.gov/healthyweight/assessing/bmi/adult_bmi/english_bmi_calculator/bmi_calculator.html. Kinakailangan mo lang ang sukat ng iyong height o tangkad at kasalukuyang timbang upang magamit ang nasabing BMI Calculator.


Ngayong alam na natin ang iyong Body Mass Index o BMI ay alamin natin kung ikaw ay nasa tamang timbang. Kung ang BMI ay mas mababa sa 18.5, nangangahulugang ikaw ay underweight o mababa ang timbang. Kung ang BMI ay nasa 18.5 hanggang mas mababa sa 25, ang iyong timbang ay nasa healthy weight range o nasa tamang timbang. Kung ang iyong BMI ay nasa 25 hanggang mas mababa sa 30 nangangahulugang ikaw ay nasa overweight range o mabigat na timbang at kung ito naman ay nasa 30 pataas, ikaw ay nasa obesity range o sobrang bigat.


Ayon sa mga nabanggit, ikaw ay nasa obesity range. Ang iyong timbang ay sobra sa tamang timbang na tinatawag na healthy weight range. Sa mga pag-aaral, ang indibidwal na nasa obese range ay mataas ang risk na magkaroon ng iba’t ibang sakit kumpara sa indibidwal na nasa healthy weight range.


Ayon sa Center for Disease Control and Prevention ng Amerika, ang obese na indibidwal ay mataas ang risk na magkaroon ng high blood pressure o hypertension. Gayundin, tumaas ang cholesterol level at blood sugar. Ang mga ito ay maaaring magdulot ng sakit sa puso (coronary artery disease), stroke at Type 2 Diabetes.


Mataas din ang risk ng mga indibidwal na obese na magkaroon ng sakit sa apdo o gallbladder disease at osteoarthritis sa mga tuhod at paa dahil sa bigat ng pangangatawan.


Ang sakit na kadalasan ay nararanasan ng indibidwal na obese ay ang sleep apnea at iba pang breathing problems. Ang sleep apnea ay ang pagtigil ng paghinga habang natutulog. Ito ay dahil sa pag-ipon ng taba sa daanan ng hangin patungo sa ating baga at paghina ng muscle activity sa ating airway. Ito ay nagreresulta sa kakulangan ng oxygen sa katawan at utak, gayundin sa ang paulit-ulit na panandaliang pagtigil sa paghinga.


Ayon sa scientific research na inilathala sa international scientific journal na Sleep Medicine and Disorders noong 2017 ang obstructive sleep apnea (OSA), kung saan ang obesity ang madalas na kadahilanan ay maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit, tulad ng hypertension, ischemic heart disease at diabetes.


Maaari rin magdulot ang obesity ng iba pang sleep disorders katulad ng hindi pagkakatulog. May mga pag-aaral din na mataas ang risk ng obese na tao sa mental illness katulad ng anxiety, clinical depression at iba pang mental disorders.


Bukod sa mga nabanggit, ang obesity ay nagdudulot din ng pagtaas ng risk na magkaroon ng iba’t ibang cancer. Ayon sa mga pag-aaral, endometrial cancer, esophageal adenocarcinoma, gastic cardia cancer, liver cancer at kidney cancer, multiple myeloma, meningioma, pancreatic cancer, colorectal cancer, gallbladder cancer, thyroid cancer, breast at ovarian cancer.


Itutuloy natin sa susunod na ikatlong bahagi ang diskusyon tungkol sa obesity at mga sakit na idinudulot nito at kung paano malalabanan ang pagiging overweight at ang obesity.


Part 2 of 3

 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page