ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 25, 2021
Dear Doc. Shane,
Inaatake ng epilepsy ang anak ko at kinokombulsiyon siya sa tuwing tumataas ang kanyang lagnat. Siya ay 5 taon pa lamang kaya naaawa ako sa tuwing inaatake siya nito. Bagama’t saglit lang ‘yun o mga ilang minuto lang ay nawawala rin. Ano ba ang sanhi nito? – Ogie
Sagot Ang epilepsy ay neurological condition — kilala ito sa tawag na seizure disorder.
Ang epileptic seizures ay maaaring may kinalaman sa pinsala sa utak o maaaring namana sa pamilya. Ang seizure ay biglang bugso ng electrical activity sa utak na may epekto sa pakiramdam o kilos ng tao sa loob ng ilang sandali.
Ang seizures ay sintomas lamang ng sari-saring disorder na nakaaapekto sa utak. May mga seizure na hindi kapansin-pansin ngunit, mayroon din namang nakapipinsala.
Anuman ang edad ng tao, maaaring magkaroon ng epilepsy, pero madalas lumalabas ito sa mga bata lalo na kung ito ay ipinanganak na may depekto sa isang parte ng utak o kaya may history na nabagok ang ulo o nagkaroon ng impeksiyon ang utak.
Bagama’t marami sa mga may epilepsy ay hindi matunton ang dahilan, ang madalas na sanhi nito ay stroke, tumor sa utak o head injuries.
Risk factors ng epilepsy:
Baby na kulang sa buwan
Baby na nagka-seizure sa unang buwan
Baby na abnormal ang brain structure
Hemorrhage sa utak
Trauma sa utak o kakulangan ng oxygen sa utak
Abnormal na mga ugat sa utak
Stroke
Cerebral palsy
History ng kombulsyon o seizure dahil sa lagnat
Alzheimer’s disease
Drug addiction
Samntala, Electroencephalogram o EEG ang ginagamit ng doktor upang suriin ang mga abnormalidad sa utak. May pattern sa EEG na maghuhudyat ng epilepsy. Nasa eighty percent (80%) ng mga epileptic na ginagamot ng anti-seizure medicines ay hindi nagkakaroon ng seizure sa loob ng dalawang taon. Kung walang brain injury at normal ang EEG, maaaring tuluyang mawala ang mga seizure.
Mahigit sa 50% ng mga bata ay maa-outgrow ang epilepsy. Sa loob ng 20 years, 75% ay hindi na magkaka-seizure sa loob ng limang taon. Kailangan lamang uminom ng gamot araw-araw.
Ang mga epileptic ay kailangan ng neurologist upang pangalagaan ang sakit na ito, lalo na kung ang pasyente ay nagmamaneho o kung ang trabaho ay mapanganib.
Comments