top of page
Search
BULGAR

Anuman ang kulay sa pulitika, dapat prayoridad ang pagtugon sa pandemya!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 13, 2021



Sa gitna ng mga usaping pulitika ngayong papalapit na halalan, pinapaalalahanan natin ang ating mga kapwa opisyal — anuman ang kulay sa pulitika — iisa pa rin dapat ang layunin: ang malampasan ang pandemya at muling maibangon ang ating ekonomiya mula sa pagkalugmok dulot ng mga epekto nito.


Hindi tayo makakabuo ng mga solusyon sa mga suliraning ating kinahaharap kung hindi tayo nagkakaisa. Kaya hinahamon natin ang mga nagnanais na maluklok sa puwesto: magsama-sama at magtulungan tayo para maiahon sa kahirapan ang ating mga kababayan, lalo na ang mahihirap at pinakanangangailangan na walang matakbuhan kundi ang gobyerno.


Hindi ito ang panahon para magsiraan o maglamangan; bagkus, panahon ito para magtulungan. Isantabi ang pulitika dahil kung hindi natin malalampasan ang krisis, baka wala na tayong pulitikang pag-uusapan sa susunod na taon.


Nananawagan din tayo sa mga lokal na opisyal na siguraduhin ang maayos na pagpapatupad ng mga pandemic response measures, tulad ng rollout ng mga bakuna, sa kabila ng inyong paghahanda para sa halalan. Siguraduhin nating makakaabot ang mga bakuna sa mahihirap at hirap lumabas ng bahay, tulad ng matatanda, persons with disabilities (PWDs) at nakatira sa mga liblib na lugar.


Ang bakuna ang pinakamabisang paraan upang maproteksiyunan ang ating mga kababayan laban sa COVID-19. Kapag bakunado ang tao, mas maliit ang tsansa na siya ay malubhang magkakasakit o maoospital. Kaya para mabawasan ang bilang ng mga malubhang kaso ay ginagawa ng ating gobyerno ang lahat upang matiyak na may sapat na supply ng ligtas at epektibong bakuna para sa mga Pilipino.


Sa kasalukuyan, may higit 87.7 milyon doses na ang nai-deliver sa bansa at may karagdagang limang milyon pa ang nakatakdang dumating sa mga susunod na linggo. Nitong Oktubre 11 ay nakapagturok na tayo ng higit 50 milyon na doses at nasa 26.7 na milyong Pilipino na ang nakatanggap ng unang dose habang may 23.3 milyon naman na “fully vaccinated”.


Kung pagkakataon n’yo nang makapagpabakuna, huwag nang mag-alinlangan pa! Gawin na ito para mabawasan ang pagkalat ng sakit at makabalik na tayo sa mas normal na pamumuhay. Libre ang bakuna para sa mga Pilipino. Pinaghirapan natin ito upang maproteksiyunan ang populasyon, marating ang herd immunity, at walang naiwan sa ating muling pagbangon.


Bukod sa bakuna, sinisikap din nating maibalik ang sigla ng ekonomiya at mabigyan ng sapat na trabaho ang mga nawalan ng kabuhayan habang sinisiguro nating walang magugutom. Higit sa lahat, hindi natin pababayaan ang mga mahihirap. Sila ang prayoridad natin, kapakanan nila ang ipinaglalaban ko rito!


Kahit may krisis, sinusolusyunan natin ang hirap at gutom dahil importante na maalagaan ang tiyan ng bawat Pilipino. Kaya walang tigil ang ating aksiyon upang nakakakuha ng mabilis, maayos at abot-kayang serbisyo, lalo na sa pangkalusugan ang mga komunidad kahit saan mang sulok ng bansa.


Kaya paalala, bakuna muna bago pulitika! Unahin ang tungkulin sa bayan bago ang halalan.


Makakaasa kayo na patuloy pa rin ang serbisyong totoo, tapat at nararapat mula sa inyong lingkod na walang ibang bisyo kundi ang magserbisyo!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page