ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | July 14, 2021
Kung minsan ang pamimigat ng kalooban ay bunga na rin ng iba’t ibang mga kadahilanan, pero sabi nila ang pinakamatinding dahilan daw dito ay iyong mainsulto ka dahil sa panunudyo o panunukso. Maging ito man ay mula sa isang itinuturing mo pa namang mabuting kaibigan o sa mga barkada, kung minsan ang panunukso nila ay nakakalikha ng insekyuridad at nakakababa ng pagkatao kung kaya naman matagal bago ito mawala sa kalooban.
Habang hindi mo makontrol ang pagtatawa ng iba, o sinasabi ng iba magagawa mo namang makontrol ang sarili kung magbabago ka para hindi ka tuluyang mapikon sa kanila.
1. Kunwari ay wala kang naririnig. Dedmahin na lang ang pagtatawa ng iba para makayanan ang sitwasyon. Sila kasi ang mga taong gustong makakuha ng iyong reaksiyon sa unang hataw pa lang ng pang-iinsulto. Dahil kapag nanatili kang ‘di kumikibo at tahimik lang, siguro ay susuko na iyan at hindi na mauulit pang mang-insulto o manudyo.
2. Magpakitang tatag o tapang. Kahit na hindi ka masyadong kumpiyansa sa sarili, magpakatatag at kunwari mas matapang ka sa nararamdaman mo sa ngayon. Kapag sumagot ka nang matatag at mangatwiran sa mga taong nagtatawa sa iyo ay magpapakita sa kanya na mas matapang ka kaysa sa iniisip niya.
3. Itago mo na lang ang iyong tunay na damdamin hanggang sa pag-iisa. Plastikin mo nang ngiti kumbaga. Dahil kapag ipinakita mo ang iyong pagkapikon sa pang-iinsulto niya, mas lalo siyang matutuwa. Perpektong naiintindihan na napatahimik ka na lang, pero maghintay ka na lumapit siya sa iyo para manghingi ng sorry.
4. Pigilan ang sarili na patulan siya. Huwag kang bababa sa kanyang lebel dahil hindi malulutas ang problemang ito. Lalo lang siyang mahahamon.
5. Gaanan lamang ang komento. Kung ang nang-iinsulto ay pinagtawanan ang iyong bagong gupit na buhok at damit, puwede ka namang sumagot ng pasasalamat sa kanya at napansin niya rin ang iyong naging pagbabago. Hindi ang naturang sagot ang gusto niya, mainam na nakontrol mo ang iyong sarili na patulan siya sa kanyang naging komento.
6. Iwasan na ang naturang tao. Hindi ka naman kasi pagtatawanan at matutukso uli kung masasalubong mo uli at magkrus uli ang landas ninyo ng tao. Hindi na praktikal kung araw-araw ka na kasing nasasaktan sa pang-iinsulto. Kaya simpleng dumistansiya na lang at lumayo para hindi siya makita at hindi ka masyadong magdaramdam.
7. Pero, tandaan mo na hindi naman iyon tungkol lahat sa iyo. Ginagawa kasi ng ibang tao ang panunudyo dahil may problema sila sa damdamin, ito’y para makuntento ang kanilang kasiyahan at para mas iangat nila ang sariling karakter.Basta lagi mo lang paalalahanan ang sarili na ang mga pang-iinsulto ay mas madaling balewalain.
8. Kapag alam mong nariyan na uli ang mga nang-iinis, dapat lagi kang may good friend sa tabi para maipagtanggol ka.
9. Kung ang panunukso ay sumosobra at hindi mo na kayang tanggapin, oras na para magsumbong sa iba na may awtoridad na kumastigo sa kanila.
10. Pataasin mo na lamang ang tiwala sa sarili, hubugin ang talento at isipin na anuman ang sabihin nila sa iyo, dapat ka pa ring proud sa iyong sarili.
Comments