Anti-Terrorism Law, magbibigay-ngipin sa awtoridad para maitigil ang terorismo sa bansa
- BULGAR
- Aug 26, 2020
- 2 min read
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 26, 2020
Noong Lunes, binulabog ang bansa ng dalawang pagsabog sa Jolo, Sulu na sinasabing kagagawan ng mga terorista. Nakadudurog ng puso na marinig ang mga balita ng pagkasawi ng mga sundalo na walang ibang hangad kundi protektahan lang ang ating mamamayan at maglingkod sa bayan. Nadamay rin dito ang iilang mga inosenteng sibilyan na wala namang kamuwang-muwang sa peligrong hinarap nila sa araw na iyon dahil lang sa walang saysay na karahasan.
Mariin nating ikinokondena ang pangyayaring ito. Gagawin natin ang lahat upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng terorismo.
Nakalulungkot na nangyari ito sa kalagitnaan ng hearing namin sa Commission on Appointments noong Lunes kung saan nakasalang ang pinuno ng Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines na si Lieutenant General Corleto Vinluan, Jr..
Wala talagang pinipiling lugar o panahon ang mga terorista. Naghihirap na nga tayo dahil sa krisis na dulot ng pandemya, patuloy pa rin ang mga terorista sa kanilang hangaring guluhin at sirain ang buhay ng mga Pilipino.
Tulad ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang inyong lingkod ay taga-Mindanao rin. Ilang beses din kaming nabiktima ng terorismo sa Davao City, tulad ng mga pagpasabog malapit sa lumang Davao International Airport at sa Sasa Wharf noong 2003, sa Davao City Overland Transport Terminal noong 2005, sa dalawang malalaking malls noong 2013 at sa aming night market noong Setyembre 2016, ilang buwan matapos naupo bilang Pangulo si Mayor Duterte.
Alam natin kung gaano kalalim ang sakit na dulot ng mawalan ng mahal sa buhay na mga kababayan mo. Apektado rin nito ang mga negosyo at kabuhayan sa mga komunidad. Dagdag-pasakit ito sa ating mga kababayan na kasalukuyang naghihirap na dulot ng epekto ng pandemya sa ating bansa.
Nakalulungkot isiping nangyayari ito sa kabila ng mga ginagawa ni Pangulong Duterte upang magkaroon ng kapayapaan sa bansa, lalo na sa Mindanao. Ibinigay na ng Pangulo ang lahat sa abot ng kanyang makakaya, upang maisakatuparan ang pangarap natin na magkaroon ng mas maayos, mapayapa at matiwasay na buhay ang lahat.
Ang layunin natin ay maisaayos ang ating lipunan at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang ating mga anak. Subalit hindi ito maisasakatuparan hangga’t hindi matitigil ang terorismo sa bansa.
Ngayong naisabatas na ang Anti-Terrorism Law, inaasahan nating magbibigay ito ng karagdagang ngipin sa ating mga awtoridad upang maitigil na ang terorismo sa bansa at masigurong ligtas ang mamamayan sa anumang karahasan. Dapat lang na maimplementa ng maayos ang batas na ito upang maprotektahan ang karapatan ng bawat Pilipino na mabuhay ng walang takot na may karahasang mangyayari sa sarili niyang bayan.
Sa lahat ng mga ahensiya ng gobyerno at sa kapwa nating Pilipino, sana ay magkaisa na tayo para maitigil na ang karahasang nangyayari sa ating lipunan. Wala namang Pilipino ang may gustong mamatay ang kapwa niyang Pilipino.
Muli, nakikiramay tayo sa mga naulila ng mga namatay, sa mga sundalong nag-alay ng kanilang buhay, at sa mga inosenteng sibilyang nadamay. Asahan ninyong gagawin natin ang lahat para makamit ang hustisya.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentários