ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | July 18, 2023
Dear Doc Erwin,
Kamakailan lamang ay lumabas sa ilang diyaryo ang posibleng koneksyon ng paggamit ng anti-perspirant deodorant sa breast cancer. Ayon sa balitang ito ay may mga pag-aaral na raw kung saan nakita na maaari ngang maging sanhi ito ng cancer.
Nais kong malaman kung ito ay may katotohanan at kung may basehan ayon sa mga makabagong pag-aaral. Ako ay nag-aalala dahil matagal na akong gumagamit ng anti-perspirant deodorant. - Edna
Maraming salamat Edna sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng Bulgar newspaper.
Noong mga nakaraang taon, dalawang makabagong pag-aaral ng mga siyentipiko tungkol sa posibleng kaugnayan ng paggamit ng anti-perspirant deodorant at breast cancer ang inilathala sa mga scientific journal. Maaaring ito ang nabanggit mo na naging mainit na usapin na isinulat sa maraming pahayagan.
Ang una sa mga binanggit na dalawang research study ay pinangunahan nina Dr. Mirna Tenan ng Switzerland at Dr. Adeline Nicolle ng Wellcome Centre for Human Genetics sa University of Oxford. Sa laboratory study na ito ay pinag-aralan ang epekto ng aluminum chloride, isang sangkap ng anti-perspirant deodorant, sa animal cells.
Dahil sa aluminum chloride nagkaroon ng mga chromosomal abnormalities at pagkasira ng DNA ang mga animal cells. Ang mga abnormalidad na ito ay maaaring pagmulan ng cancer. Mababasa ang pag-aaral na ito sa International Journal of Molecular Sciences na inilathala noong September 1, 2021.
Sa pangalawang laboratory study ay nagkaroon ng mga tumor ang mga laboratory animals na tinurukan ng cultured cells na may aluminum chloride. Pinangunahan ang pag-aaral na ito ng mga scientist mula sa Switzerland, Great Britain at France. Inilathala ang resulta ng pag-aaral na ito sa International Journal of Molecular Sciences noong December 7, 2020.
Bagama’t nakakita ng posibleng link sa animal studies, wala namang maliwanag na resulta ang human studies. Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Fred Hutchinson Cancer Research Center sa Amerika walang nakitang pagtaas ng risk sa breast cancer sa mga kababaihan na gumamit ng anti-perspirant deodorant na may aluminum chloride.
Maaaring basahin ang pag-aaral na ito sa Journal of National Cancer Institute, October 16, 2002 issue.
Sa isang pag-aaral na inilathala sa Eastern Mediterranean Health Journal noong 2006 na isinagawa sa Al Kahdmia Teaching Hospital ay walang nakitang link sa paggamit ng anti-perspirant deodorant at breast cancer.
Ayon sa National Cancer Institute ng Amerika, walang pang sapat na ebidensya mula sa mga human studies sa kasalukuyan upang masabi kung maaari ngang maging sanhi ng breast cancer ang paggamit ng anti-perspirant deodorant. Ayon din sa Cancer Research UK ng Britanya wala pang malakas na ebidensya na nakita ang mga scientist.
Dahil sa salungat ang resulta ng animal research at human studies tungkol dito, nasa sa atin na ang pasya kung gagamit ng anti-perspirant deodorant na may aluminum chloride.
Ang alternatibo sa aluminum-containing anti-perspirant deodorants ay ang tinatawag na “natural deodorants”. Ang natural deodorants ay walang aluminum chloride kaya’t mapapawi nito ang iyong pangamba sa paggamit ng anti-perspirant deodorant na may aluminum chloride.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments