ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 14, 2022
Una sa lahat, kinokondena ng inyong lingkod ang sinasabing insidente ng hazing na kinasasangkutan ng isang fraternity sa University of the Philippines-Diliman. Hinihimok ng inyong lingkod ang pamunuan ng pamantasan na tiyaking mananaig ang batas o Anti-Hazing Act of 2018 (Republic Act No. 11053) laban sa sinumang mapatutunayang sangkot sa naturang insidente.
Hinihimok din natin ang pamantasan na paigtingin ang kampanya nito laban sa hazing at tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng mga mag-aaral.
Noong Hulyo 3, lumabas sa isang serye ng mga tweets sa nasuspindeng account na @UPSILONLEAKS ang mga video at larawan ng naiulat na insidente ng hazing. Bagama’t nasuspinde ang naturang account dahil sa paglabag sa community standards, panibagong account ang nag-post ng mga video at larawan ng naturang insidente. Kinondena rin ng naturang account ang tinawag nitong pattern ng pagtatakip sa mga karahasang kinasasangkutan ng mga fraternity sa loob ng pamantasan.
Bagama’t walang mag-aaral ng UP ang nakita sa mga video at larawan na kasangkot, tiniyak ni UP Diliman Chancellor Dr. Fidel Nemenzo na ang pamantasan ay makikipagtulungan sa mga student organizations upang matiyak ang kawastuhan ng nakalap na impormasyon.
Walang lugar ang ganitong uri ng karahasan sa ating mga pamantasan. Kailangan nating panagutin ang sinumang mapatutunayang may kinalaman sa insidenteng ito at ipakita sa kanilang hindi nila matatakasan ang batas.
Sa ilalim ng Anti-Hazing Act of 2018 kung saan ang inyong lingkod ay co-author at co-sponsor, ipinagbabawal ng batas ang lahat ng uri ng hazing sa mga fraternities, sororities, organisasyon sa loob ng paaralan at pati na rin sa citizens’ military training at citizens army training. Ipinagbabawal din ang hazing sa mga fraternities, sororities at mga organisasyong hindi bahagi ng mga paaralan, kabilang ang mga community-based at iba pang organisasyon.
Mandato ng mga paaralan sa ilalim ng batas na paigtingin ang pagbibigay-proteksyon sa mga mag-aaral mula sa mga panganib na dulot ng pakikilahok sa hazing.
Sinuman ang lalahok at magpaplano ng mga hazing activities na magdudulot ng kamatayan, rape, sodomy at mutilation ay hahatulan ng reclusion perpetua at pagmumultahin ng tatlong milyong piso.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
תגובות