@Editorial | August 26, 2022
Mula noon hanggang ngayon, problema pa rin ang baha.
Ang masaklap, mukhang patindi nang patindi ang sitwasyon, partikular sa Metro Manila.
Kaya nais paimbestigahan sa Kamara ang estado at kakayahan ng “anti-flood master plan” para sa Kalakhang Maynila at mga kalapit na lugar. Ito ay para matiyak ang “cost-effective” na paggastos para sa naturang plano.
Layon ding makahanap ng mga solusyon sa lumalalang pagbaha.
Batid naman natin na isa ang Pilipinas sa mga bansang madalas tamaan ng kalamidad na mayroong average na 20 bagyo kada taon.
Napag-alamang mayroong P350 billion Metro Manila Flood Management Master Plan, na roadmap ng pamahalaan at naka-programa mula 2012 hanggang 2035. Kumusta kaya ang proyekto?
Samantala, bukod sa pagkakaroon ng epektibong proyekto kontra baha, napakahalaga na lahat ay nakikibahagi sa paglutas sa problema.
Kung lahat ay disiplinado, kahit paano ay mapipigilan ang grabeng baha. Matagal nang sinasabi na kontrolin ang basura, itapon nang maayos, pero marami pa rin ang pasaway.
Huwag nating hintaying mas lumala ang sitwasyon na bigla na lang tayong lumubog sa baha. Walang ibang panahon kundi ngayon.
Alamin at makiisa sa mga programa at proyekto para makaiwas sa pagbaha. Huwag nang pasaway, plis lang!
留言