ni Gina Pleñago @News | August 17, 2023
Nagtayo ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) ng police desk sa bawat istasyon sa Metro Manila na hahawak lamang sa mga kaso na may kaugnayan sa cybercrime.
Ayon kay NCRPO Director, P/Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ikinukonsidera na ng pulisya na pinakamalaking banta ang cybercrime dahil nasa technological era na rin ang Pilipinas.
Inilunsad ang anti-cybercrime desks makaraan ang pagtatapos kahapon sa NCRPO Headquarters ng 233 partisipante ng Basic Cybercrime Investigation Seminar Classes 2023-01 at 02.
Nagbuo rin ang NCRPO ng tinatawag nilang Process Flow Diagram na nakasaad kung paano hahawakan ang assessment sa mga walk-in complaints, reklamo sa short messaging system (SMS o text messaging), e-Complaint Desk, e-Complaint Text/Hotline
number, at mga kasong inire-refer mula sa ibang units.
Ang mga pulis na nagtapos sa kurso ang siyang magmamando sa desks at magbibigay ng tulong sa imbestigasyon ng mga kaso na may kinalaman sa internet sa ilalim ng Section 6 ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Seserbisyuhan umano ng anti-cybercrime desks ang lahat ng 'cyber-related crimes' kabilang ang paglabag sa Special Laws related to R.A. 9775 (child pornography) na nirebisa sa ilalim ng R.A. 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse of Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act of 2022.
Comments