ni Justine Daguno - @Life and Style | November 10, 2020
Ayon sa pag-aaral, ang mga taong madalas makaranas ng positibong emosyon ay bihira o malayong magkaroon ng anumang uri ng sakit sa puso, kumpara sa mga taong nega o masyadong stressed sa buhay. Anila, ang positibong emosyon ay dulot ng iba’t ibang gawain o simpleng love affection. Well, anu-ano nga ba ang mga positibong emosyon na may mabuting epekto sa ating puso? NAKATATANGGAL NG STRESS ANG PAGYAKAP. Ang pagyakap o hugging at cuddling ay nakatutulong upang mabawasan ang stress hormone sa katawan. Sa pamamagitan nito, naglalabas ng hormon oxytocin sa daloy ng ating dugo, kung saan pinapababa nito ang presyon nang sa gayun ay mabawasan ang stress at anxiety ng indibidwal. PAMPABABA NG CHOLESTEROL ANG LOVE LETTERS. Ang pagsusulat o pagbabasa ng love letters ay hindi lamang nakatutuwa o nakakakilig na love affection, kundi may magandang epekto rin ito sa ating kalusugan kung saan mabisa nitong mapabubuti ang lung at liver function, pagkontrol sa presyon ng dugo at pampababa ng antas ng cholesterol. PAMPAGANDA NG DALOY NG DUGO ANG PAGTAWA. Kapag tumatawa tayo, nae-expand ang mga tissue sa ating blood vessel kaya naman, gumaganda ang daloy ng ating dugo. Sa pagtawa, napananatiling malusog ang endothelium kaya nababawasan ang peligro ng sakit sa puso, stroke at atake sa puso. NAKAPAGPAPAKALMA ANG HOLDING HANDS. Ayon sa pag-aaral, para sa mga nakararanas ng anxiety o pagkabalisa, epektibong pampakalma ang pakikipag-holding hands o ‘yung simpleng paghawak lamang sa kamay. Sa pamamagitan nito, nakararamdam ng assurance ang indibidwal kaya kumakalma ang nerves nito na nagreresulta ng maayos na pagdaloy ng dugo sa katawan. INSTANT WORKOUT SA HEART KAPAG EXCITED. Ito ‘yung feeling na pawisan ang mga palad, malakas ang kabog ng dibdib o ‘yung tinatawag na ‘heart racing’ at hindi mapakali kapag may kinasasabikang bagay o may ‘someone’ na gustong makita o makilala. Kapag feeling excited ang tao, nagkakaroon ng ‘instant workout’ ang kanyang puso. Anumang bagay na nakapagpapataas ng heart rate ay good thing dahil naeehersisyo ang puso, kaya mas nagiging healthy ito. Sa dami ng hindi magandang nangyayari ngayon, dulot ng hindi inaasahang pandemya at iba pa, malaking bagay ang magkaroon ng positibong pananaw sa buhay. ‘Ika nga, maikli lamang ang buhay kaya iwasang maging nega, keep your heart healthy. Okie?
Comments