ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 12, 2022
Nitong nakaraang linggo ay "trending" sa social media ang kontrobersyal na eksena sa pelikulang Maid in Malacañang.
Kabilang tayo sa mga umalma sa eksenang ito na inilalarawan ang karakter ni dating Pangulong Cory Aquino na naglalaro ng mahjong kasama ang Carmelite Sisters sa Cebu.
Nakababahala ang ganitong pagsingit ng mga hindi tiyak na pangyayari dahil ayon sa mga lumikha ng Maid in Malacañang, base raw sa historical account ang pelikula.
Kung tunay ngang ganito, sana ay nagsentro na lang sila sa first-hand accounts ng mga tao na naroon noong mga panahon na 'yun o hindi kaya'y nag-self-policing na lang sila sa mga eksenang mahirap mapatotohanan kung tunay ngang nangyari o hindi.
Malinaw ang malisya sa pagsingit ng eksenang ito. Malinaw rin na pagbaluktot ito sa katotohanan.
☻☻☻
Ano ba talaga ang pelikulang Maid in Malacañang?
Naratibo ba ito ng isang panig ng kasaysayan o fictional work lamang? Dahil kung wala namang dokumento ang direktor at manunulat para patunayan ang katotohan ng inilalarawan nila, ang disente at nararapat na gawin ay tanggalin ang mga eksenang hindi totoo o hindi mapatutunayan.
Hindi maaaring magtatago tayo sa talukbong ng pagkamalikhain at sabihing sining ang isang gawa, para manirang-puri o hindi kaya’y maminsala ng reputasyon—ang mga lumilikha ng sining ay may moral na tungkulin na itaguyod ang katotohanan sa kanilang nililikha.
Hindi puwede iyong itutumbas natin ang 'daw' sa katotohanan—'ganito raw' sinabi, 'ganyan daw’ nangyari.
☻☻☻
At sa usapin ng paghilom ng bansa—paano tayo magkakaisa kung hinahayaan nating umiral ang malisya at pagbaluktot sa katotohanan?
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments