top of page
Search
BULGAR

Ano ba ang batayan ng computation ng SSS pension?

@Buti na lang may SSS | August 23, 2020


Dear SSS,


Magandang araw! Nais kong malaman kung paano ba kino-compute ang pensiyon na ibinibigay ng SSS? - Alexis


Sagot


Marami tayong miyembro ng SSS ang may ganyang katanungan higit lalo na ang ating mga miyembrong malapit ng magretiro. Nakasalalay ang halaga ng pensiyon sa naibayad na kontribusyon ng miyembro at sa bilang ng taon na aktibo itong naghuhulog.


May mahalagang papel na ginagampanan ang credited years of service (CYS) o ang bilang at haba ng taon ng paghuhulog ng miyembro gayundin ang kanyang monthly salary credit (MSC) o ang antas ng suweldo ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan. Tandaan na ang MSC ang batayan ng halagang matatanggap ng miyembro sa pagkuha niya ng mga benepisyo at pautang sa SSS.


May tatlong (3) pormula rin o pamamaraan ng computation na sinusunod ang SSS upang malaman ang halaga ng benepisyo na maaaring tanggaping ng kuwalipikadong miyembro. Ito ay alinsunod itinakda ng Republic Act (RA) 11199 o ang Social Security Act of 2018.


Nakasaad sa Section 12 ng RA 11199, may tatlong kaparaanan sa pagtukoy sa maging buwanang pensiyon ng miyembro. Makikita sa ibaba ang mga kaparaanang ito kasama na ang Php1,000 additional benefit na ipinatupad simula noong Enero 2017 sa lahat ng mga pensiyunado ng SSS, retirement, death o total disability man itobi:

  1. PHP300 + 20% ng average monthly salary credit (AMSC) + 2% ng AMSC sa bawat credited year of service (CYS) na labis sa 10 taon + PHP1,000

  2. 40% ng AMSC + PHP1,000

  3. Kung ang CYS ng miyembro ay sa mula 10 hanggang 19 na taon, PHP1,200 + PHP1,000

Kung ang CYS ng miyembro ay mula 20 taon pataas, PHP2,400 + PHP1,000

Samantala, ang may pinakamataas na halaga sa tatlong ito ang siyang ibinibigay na pensiyon sa isang miyembro o benepisaryo. Narito ang halimbawa ng isang miyembro ng SSS na mag-reretiro:

CYS

Credited Years of Service (CYS): 16.083

(bilang ng taon na may hulog ang miyembro)

AMSC

Average Monthly Salary Credit (AMSC): PHP6,401.670

(average ng salary levels kung saan ibinase ang mga kontribusyon sa loob ng huling limang taon bago ang pagreretiro ng miyembro)

Unang Paraan

PHP300 + (20% ng AMSC) + (CYS ­ 10) × (2% ng AMSC) + PHP1,000

300 + 1,280.334 + (16.083 ­ 10) × (2% ng 6,401.670) + 1,000

300 + 1,280.334 + (6.083) × (128.0334) + 1,000

1,580.334 + 778.8271722 + 1,000

PHP3,356.16

Ikalawang Paraan

40% ng AMSC + PHP1,000

40% x 6,401.670 + 1,000

PHP3,560.67

Ikatlong Paraan

PHP1,200 + PHP1,000

PHP2,200

Sa tatlong paraang ito, ang may pinakamataas na halaga ng inyong pensiyon ay batay sa ikalawang paraan o PHP3,560.67. Ito ang halaga ng pensiyon na matatanggap ng miyembro o benepisaryo bawat buwan, kung kaya’t ito ang ibibigay ng SSS. Noong Enero 2017, nagpatupad ang SSS ng P1,000 additional benefit sa pensyon kaya ang magiging halaga ng pensiyon ay P3,560.67.


Habang tumataas ang inihuhulog ng miyembro at humahaba ang paghuhulog nito ay tumataas din ang halaga ng pensiyon na maaari niyang matanggap sa kanyang pagreretiro. Ngunit kailangan nating isipin na bukod sa SSS pension, kinakailangang ang miyembro ay may sariling ipon din dahil ayon sa mandato ng SSS, ang SSS pension ay suporta lamang. Sa panahon ng ating kalakasan at pagkita ng pera mula sa ating mga hanapbuhay, kinakailangan tayong matutong magsubi para sa kinabukasan natin at ng ating pamilya.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa aming Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa aming YouTube channel sa “Philippine Social Security System.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page