ni Mabel G. Vieron - OJT @Life & Style | March 28, 2023
Ang salitang ‘procrastination’ ay numero-unong kalaban ng tao, partikular sa mga gawain.
Ito ay matatawag na “magnanakaw ng oras,” at kapag hinayaan mong mangyari sa iyo ito, tiyak na maraming bagay ang hindi mo masisimulan o bagama’t nasimulan mo na, hindi naman matapus-tapos dahil inatake ka nito.
Ang kadalasang dinadahilan natin ay ang mga salitang “mamaya na lang” o “maaga pa naman”. Narito ang mga paraan kung paano natin maiiwasan ang procrastination:
GUMAWA NG LISTAHAN NG MGA GAGAWIN AT MAGTAKDA NG DEADLINE. Ang paggawa ng schedule ay isa sa mga pinakamabisang paraan. Kadalasan kasi, ‘pag inabot tayo ng takdang oras ng gawain ay ipinagpapaliban na natin ito. Mas mabuting magtakda na rin ng deadline kung kailan mo dapat ito matapos. Okey din na doblehin ang oras ng deadline na iyong ginawa. Sa ganitong paraan, tiyak na matatapos mo ang iyong mga gawain.
IWASAN ANG MGA DISTRACTIONS. Kung may nasisimulan ka nang gawain, iwasang ma-distract habang ginagawa ito. Siguraduhing naka-off ang TV, radyo, at mobile phone. Kung maaari, lalo na kung mabilis kang magambala, wala sanang ibang tao sa oras na may ginagawa ka.
UNAHING GAWIN ANG MAHAHALAGANG BAGAY. Unahin mo ‘yung mga bagay na alam mong kakain ng maraming oras, mabisang paraan din ito para hindi ka tamarin sa mga susunod mong gagawin.
MAGPAHINGA. Maaari kang gumamit ng “Pomodoro Technique”, isa itong paraan ng pamamahala ng oras, kung saan pagkatapos ng 25 minuto na pagtatrabaho ay magpapahinga ka ng limang minuto. Sa ganitong paraan, maipapahinga mo ang iyong katawan at isipan upang mapaghandaan mo ang mga susunod na gagawin.
IWASAN ANG PAGIGING PERFECTIONIST. Kadalasan, kaya hindi nasisimulan o ‘di natatapos ang isang bagay na pinapagawa sa ‘yo ay dahil natatakot kang magkamali. Tandaan, walang taong perpekto, kaya hindi ka dapat mag-isip na kailangan mong maging perpekto sa lahat ng bagay.
6. BIGYAN NG REWARD ANG SARILI. Pagkatapos ng nakakapagod na trabaho, nararapat lang na bigyan mo rin ng oras o gantimpala ang iyong sarili. Maaaring magkape sa labas o kumain kasama ang pamilya. Mabisa rin itong paraan para labanan ang procrastination dahil alam mo sa iyong sarili na pagkatapos ng nakakapagod na trabaho ay may ginhawang naghihintay sa iyo.
Oh, mga ka-BULGAR, alam niyo na kung paano maiiwasan ang procrastination, kaya ‘wag tayong magpapalupig sa katamaran at maging productive! Gets mo?
Comments