ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | January 16, 2021
Dear Doc. Shane,
Ano ba ang “buwa”, at paano ito mawawala? – Len
Sagot
Ang buwa o Pelvic Organ Prolapse ay ang pagbaba ng pantog, matres, o rectum sa vagina. Kung iisipin nating isang bahay ang vagina, sa bubong nito ay nakapatong ang urinary bladder o pantog, isa sa mga dingding ay ang matres, at nasa ilalim ng sahig ay ang rectum o daanan ng dumi.
Lahat ng tatlong organ (pantog, matres at rectum) ay maaaring pumasok sa vagina at kung sobra na ay labasan ng puwerta (vaginal opening) o sa pinto at lalawit na. ‘Yan na ang buwa — ang pagdungaw ng alin o lahat sa tatlong organ na pantog, matres, o rectum.
Ang buwa ay luslos ng babae ng pantog, matres, o rectum na siyang pumapasok sa vagina at lumuluwa. Huwag sanang magbubuhat ng mabigat o gumawa ng anumang mapapairi nang malakas.
Paano mawawala ang buwa?
Walang gamot sa buwa. Puwedeng mag-pelvic floor exercise kung wala pa sa hymen o magpa-opera kung lagpas na ng hymen.
Kapag bumaba na ang pantog, matres, o rectum ay ibig sabihin ay napunit ang mga litid na sumusuporta rito. Para ring bahay na may bubong na bumigay at lumulundo na. Maganda ay tahiin ang mga punit upang maibalik ang suporta sa pantog, matres at rectum.
Kommentare