top of page

Hindi takot ma-bash… ANNE, NAG-ENDORSO NA RIN NG PULITIKO

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 7
  • 3 min read

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Mar. 7, 2025



Photo: Anne Curtis - IG

 

Usapang pulitika na rin lang, isa si Anne Curtis sa mga celebrities na vocal sa mga opinion nito tungkol sa mga nangyayari sa bansa at maging sa usaping-pulitika tulad ng kanyang co-host sa It’s Showtime na si Vice Ganda.


Kahit sweet ang image ni Anne, hindi ito takot ma-bash ng mga netizens as long as mai-voice out lang niya ang kanyang mga paniniwala at ipinaglalaban.


Kaya nga marami ang nagtataka kung bakit hindi pa pumasok na lang sa pulitika si Anne at mas pinipili lang nitong mag-endorso ng mga pinaniniwalaan niyang kandidato.

Kung matatandaan, last presidential elections ay sinuportahan ni Anne ang kandidatura ni VP Leni Robredo sa pagka-pangulo.


At ngayon naman, kasama ang mga kapwa niya celebrities na sina Edu Manzano, Ogie Diaz, Bea Binene at Alex Calleja, ang nagbabalik-senador na si Bam Aquino ang sinusuportahan at ikinakampanya ni Anne.


Nang ibahagi ni Alex sa X (dating Twitter) ang screenshot ng press release ni Bam sa website ng Senado na tumatalakay sa Free College Law, ini-repost ito ni Anne na may kasamang caption na “Yes!!” na nagpapakita ng pagsang-ayon niyang maibalik sa Senado ang pinsan ni Kris Aquino.


Well, let’s see kung hanggang sa mga kampanya, makikita natin si Anne at kung handa ba nitong ibigay ang kanyang ‘free service’ bilang paniniwala sa kakayanan ni Bam Aquino.


 

Napag-usapan, ‘di natupad…

NORA, UMATRAS NA PARTYLIST REP, BIGLANG NAGKAMPANYA NG IBA


NAHAHARAP na naman ngayon sa kontrobersiya ang National Artist at Superstar na si Nora Aunor matapos niyang umatras bilang second nominee ng People’s Champ Partylist at pagkatapos ay lumipat sa  Kabayan Partylist na sinusuportahan at ineendorso nito ngayon.


May nabasa kaming ilang comments sa social media na namba-bash kay Ate Guy at nagsasabi na wala itong loyalty sa paglipat ng sinusuportahan, although may mga agree rin naman sa ginawa nito.


Good thing naman na agad nagbigay ng paliwanag si Nora sa kanyang naging desisyon.

Narito ang mensaheng ipinadala sa amin ng kilalang Noranian at malapit kay Ate Guy na si Rodel Fernando, “Mga minamahal kong kababayan. Nais kong iparating sa inyong lahat na ako ay nag-withdraw na bilang pangalawang nominado sa People's Champ Partylist sa mga sumusunod na kadahilanan:


“Unang-una, tinanggap ko ang nominasyon bilang pangalawang nominee dahil sa aking paniniwala na kaisa ko sila ng adhikain at layunin, ngunit habang dumaraan ang mga araw ay napagtanto ko na magkaiba pala; 


“Pinaalalahanan din ako ng aking mga doktor na umiwas sa stressful situation kagaya ng pangangampanya;


“Nawala na rin ang aking tiwala sa tao na nagkumbinse sa akin na sumali bilang pangalawang nominado.


“Wala ring malinaw na pag-uusap tungkol sa papel na aking gagampanan sa pamamahala ng partylist. At dahil dito, ako ay nagpasya nang mag-withdraw sa aking kandidatura.


“Kahit umatras ako bilang kandidato, ako ay mananatiling committed at ipagpapatuloy ko ang aking adhikain na tumulong sa mga mahihirap lalung-lalo na sa mga kasamahan ko sa industriyang aking ginagalawan.


“Maraming salamat po at nawa ay patuloy tayong patnubayan ng Poong Maykapal.”


 


TIYAK na marami ang naka-relate sa nakaraang episode ng CIA with BA hosted by Sen. Alan Peter Cayetano, Sen. Pia Cayetano (pero dahil tumatakbo ito bilang re-electionist, hindi muna ito mapapanood sa show) at Boy Abunda.


May isang residente kasi ang lumapit sa kanila at humingi ng payo sa segment na Tanong ng Pilipino tungkol sa kanyang kapitbahay na madalas magpa-party hanggang alas-tres nang madaling-araw. Kahit naireklamo na ito sa barangay, tila walang naging aksiyon.


Natatawang sagot ni Kuya Alan, "Napakaraming nakakaranas ng ganyan. Ang [mga] Pinoy po, ‘pag nagkakatuwaan, gusto talaga mag-karaoke at hindi sapat na sila lang [ang] nakakarinig, ang gusto nila, buong barangay."


Kasunod nito, ipinaliwanag niya ang legal na basehan ng mga reklamo tungkol sa ingay. Binanggit niya ang isang desisyon ng Korte Suprema na nagsasaad na hindi lang ito tungkol sa lakas ng tunog kundi sa epekto nito sa kalusugan ng mga nakatira sa paligid.


"Meron pong sinabi ang Supreme Court na hindi po ‘yung lakas o intensity ng tunog kundi ‘yung health ng kapitbahay. For example, kahit na ito’y hindi kalakasan pero nakakairita, or hindi kayo makapag-concentrate or ‘yung mga anak mo, hindi makapag-aral — ang tawag diyan ay nuisance o perhuwisyo," paliwanag niya.


Aniya pa, ang pinakamainam pa rin ay maayos na pakikipag-usap sa halip na agad dalhin sa mas mataas na awtoridad. Pero ‘pag ayaw tumigil, puwede nang ipa-barangay o i-report sa pulis.


Oh, ‘di ba, nabigyan tayo ng tip ng CIA with BA kung ano’ng puwedeng gawin sa mga pasaway.


Anyway, napapanood ang CIA with BA tuwing Linggo, 11:00 p.m. sa GMA-7 at may replays sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m.

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page