top of page
Search
  • BULGAR

Animal signs na swak sa katangian ng Year of the Monkey

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | March 11, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Monkey o Unggoy ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Unggoy o Monkey ay silang mga isinilang noong taong 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004, 2016, at 2028.


Sa pag-ibig, kung ikaw ay wala pang karelasyon, mahihitik ang ligaya at masarap na pakikipagrelasyon sa buhay ng Unggoy ngayong Year of the Water Rabbit. Darating nang bigla ang iba’t ibang kulay ng romansa, ngunit sa sandaling ito ay hindi mo iningatan, tulad ng mumunting hamog sa gilid ng dahon tuwing umaga, may posibilidad na bigla rin itong mawala.


Tandaan ang kasabihang, “Bago maglaho at mabura, dapat lang na saidin nang lubos ang sarap at ligaya.”


Sa mga magkasintahan o dati nang may karelasyon, sinasabing may mga tampuhan at hindi pagkakaunawaang maaaring maganap, ngunit anumang problema, paghihiwalay o samaan man ng loob ang mangyari, ang lahat ng ito ay mag-iiwan ng positibong aral sa buhay ng isang Unggoy, upang lalong mapaunlad ang kanyang personalidad na tutulong o magdadala sa kanya upang sa susunod niyang relasyon ay makamit na niya ang maligaya at panghabambuhay na pag-ibig at romansa.


Sa kabilang banda, anuman ang mga kumplikadong bagay na maganap sa buhay pag-ibig ng Unggoy sa taong ito, isa lang ang tiyak, sabi nga sa wikang banyaga, “One lost, ten found” na nangangahulugang bigla mang mawala ang ilang relasyon, marami naman itong magiging kapalit na pansamantalang ikaliligaya ng isang Unggoy na totoo naman dahil ‘yun din ang hanap niya sa buhay — ang hindi magpatali sa isang kasuyo o sa isang karelasyon. Sa halip, nanaisin ng Unggoy na dumanas ng iba’t ibang lasa ng pag-ibig at pakikinabang, partikular ngayong Year of the Water Rabbit na talaga namang mangyayari.


Ngunit kung ikaw naman ay Unggoy na may asawa at masayang pamilya, sinasabing ngayong taon, lalong titibay at sasarap ang inyong pagmamahalan, na magiging daan upang lalong umunlad at sumagana ang kabuhayan ng inyong pamilya.


Sa pag-ibig, pag-aasawa at maging sa romansa, tugma naman sa Unggoy ang Daga na mahilig sumuri at mag-analisa ng mga problema. Ang relasyong Unggoy at Daga ay may malaking posibilidad na umunlad at yumaman dahil kapwa sila magiging mahusay sa paggawa ng pera at sa pagpapalago ng kabuhayan.


Kaakit-akit naman sa isang Dragon ang katusuhan na ipinapamalas ng Unggoy, habang ang Unggoy naman ay handang magpaubaya sa pagiging dominante ng Dragon, kaya sila ay kapwa makakabuo ng masarap at kaaya-ayang relasyon. Madali ring masasakyan ang ugali ng Unggoy ng maramdaming Kuneho, uto-utong Tupa o kambing, pagala-galang Aso, matalinong Kabayo, at masipag na Baka. Sa madaling salita, ang lahat ng nasabing animal signs ay sadyang katugma rin ng Unggoy.


Sa taong ito, kusang iigting ang magandang kapalaran at susuwertehin sa lahat ng aspeto ng buhay ang Unggoy mula sa ika-5 ng Abril hanggang sa ika-4 ng Mayo, mula sa ika-5 ng Mayo hanggang sa ika-10 ng Hunyo, mula sa ika-5 ng Hulyo hanggang sa ika-5 ng Setyembre at mula sa ika-26 ng Nobyembre hanggang sa ika-25 ng Disyembre.


Itutuloy


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page