ni Angela Fernando - Trainee @News | October 14, 2023
Pinalagan ng marami ang desisyon ni Presidente Bongbong Marcos na tuluyang alisin bilang holiday ang anibersaryo ng EDSA People Power kahapon, Biyernes, Oktubre 13.
Mabilis na nagbigay ng sari-saring komento at puna ang mga kritiko at “survivors” mula sa dating administrasyong Ferdinand Marcos, Sr. na nakaranas ng diktadurya.
Ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas, ang ginawang ito ng presidente ay malinaw na kaso ng “historical revisionism”, dahil pagbabalewala ito sa sinapit ng mga Pilipino sa kamay ng diktador at sa naganap sa kasaysayan.
“The EDSA People Power Revolution is a symbol of our resilience and our unwavering commitment to fight authoritarian rule,” ani ng Philippines Alliance of Human Rights Advocate (PAHRA).
Ipinaliwanag agad ng Office of the President ang dahilan sa pag-alis sa araw ng anibersaryo ng EDSA bilang holiday at sinabing natapat ito sa Linggo sa susunod na taon.
Inalmahan naman agad ni Brosas ang pahayag ng Office of the President at sinabing ang paggunita sa People Power ay hindi lang tungkol sa araw ng pahinga para sa mga manggagawa, bagkus ay pagpapahalaga sa kasaysayan.
Commentaires