ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 05, 2020
Tuwing may sakuna na lang sa bansa, ang mga paaralan ang kadalasang ginagawang evacuation centers.
Kung hindi distance learning ang sistema ng edukasyon ngayon, tiyak na apektado ang pag-aaral ng mga bata dahil sa kanilang mga silid-aralan nananatili ang mga inilikas na pamilya dulot ng Bagyong Rolly at ng mga iniulat na sunog sa iba’t ibang komunidad kamakailan.
Panahon na para isantabi ang nakagawian nating pagpapatuloy ng mga evacuees sa mga eskuwelahan.
Mahalagang pag-aralang maigi ang mga diskarte sa emergency preparedness. Sa dami ng bilang ng tumatamang bagyo sa bansa taon-taon, kailangan nating isaalang-alang ang pagkakaroon ng maayos at permanenteng evacuation centers na matutuluyan na hindi matitinag ng malalakas na bagyo at hindi makakaantala ng pag-aaral ng mga kabataan at mga gawain ng ating mga guro sa paaralan.
Ang panukalang-batas na inihain ng inyong lingkod na Senate Bill No. 747, o ang Evacuation Center Act ay naglalayong magtatag ng mga ligtas na matutuluyan o evacuation centers sa lahat ng munisipyo at mga lungsod na karaniwang nasasalanta ng mga bagyo, lindol at iba pang kalamidad.
Ating ipinapanukala na dapat may sapat na pasilidad ang mga evacuation centers na ito at siguruhing hindi siksikan ang mga residente para masiguro ang health and safety protocols ngayong may pandemya.
Bukod sa maayos na suplay ng tubig at kuryente, kasama sa mungkahi natin ang pagtatalaga ng maayos na lugar para sa tulugan, kainan, palikuran, lutuan, labahan, clinic at isolation area para sa mga taong may mga nakahahawang sakit at sapat na lugar para sa mga alagang hayop.
Nakapaloob din sa naturang panukala na bibigyan ng prayoridad ang mga local government units (LGUs) na karaniwang nasasalanta ng kalamidad at walang sapat na ligtas na evacuation center base na rin sa pagsusuri ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ginhawa, kaayusan, seguridad at pag-iwas sa sakit ang ating hangad kaya nais nating maisulong ang pagkakaroon ng angkop at sapat na bilang ng evacuation center sa bawat sulok ng bansa.
Bigyan natin ang apektado nating mga kababayan hindi lamang ng dignidad kundi kapanatagan ng loob sa gitna ng mga kalamidad. Kung may mga maayos na pasilidad, mas madali natin silang mahikayat na lumikas kung kinakailangan para masiguro ang kanilang kapakanan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments