ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Marso 2, 2024
Tatlong kumpanya lamang ang mapalad na pinahintulutan ng Department of Transportation Technical Working Group (DOTr-TWG) na sumali sa Motorcycle Taxi (MC Taxi) Pilot Study.
Ito ang inilahad ng Founder of Lawyers for Commuters Safety and Protection (FLCSP).
Napag-alaman na naglabas si DOTr-TWG Chairperson Teofilo Guadiz ng liham na may petsang February 1, 2024 na nagsasaad na ang Angkas, Joyride at Move It lamang ang nakapasa sa Motorcycle Taxi Pilot Study.
Hindi isinama ng DOTr-TWG ang Grab Philippines dahil sa “backdoor entry” nito sa industriya. Dahil dito, kumabit ang Grab sa Move It sa pag-asang makapasok sa industriya.
Ayon sa FLCSP, dapat pairalin ang desisyon ng DOTr-TWG na tatlong kumpanya lamang ang pahihintulutan sa MC Taxi Pilot Study at hindi dapat payagan ang foreign-owned company na makapasok sa app-based transportation system ng bansa.
Naging kontrobersyal din ang pahayag ng Grab Philippines na makakatanggap ng regulatory approval ang kumpanya na marahil ay resulta ng isinagawa nilang pagbisita kamakailan sa Malacanang ng kanilang mga opisyal at nakaharap si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (P-BBM) at makausap na rin.
Dahil dito, marami sa industriya ang naalarma, kabilang na ang National Union of Food Delivery Riders, dahil hindi natutupad ang kautusan ng DOTr at nakuha pa umanong ipangalandakan ng Grab ang diumano’y koneksyon nila sa Malacanang at sa tingin ko nga ay naging isyu ang pagpunta ng Grab Philippines officials sa Palasyo.
Napakaganda ng layunin ng pilot study na ito at sana ay huwag maapektuhan ng kung anu-anong kontrobersiya lalo na at hindi naman kumpirmado ang mga nakasisirang tsismis para guluhin ang lahat.
Pagtiwalaan natin ang DOTr dahil sila ang itinalaga para sa bagay na ‘yan at maging ang tanggapan ni P-BBM ay nakakaladkad sa problemang ito na hindi naman sigurado kung may katotohanan o sadyang ipinakakalat lang ng mga matatabil ang dila na may masamang intensyon.
Sa pilot study na ito ay tiyak na may magtatagumpay at may hindi papalarin — sana lang ay tanggapin ng lahat kung anuman ang magiging resulta para sa ikabubuti ng lahat.
Hindi naman sa kapakanan ng mga kumpanya ang inayos dito, kundi para sa kapakanan ng mga rider at mga kababayan nating mabebenepisyuhan ng serbisyong maidudulot nito.
Kaya sa lahat ng mga kumpanyang kalahok o nais lumahok na hindi na naisama ay dapat na kumalma lang at darating din ang tamang panahon na magiging maayos ang lahat.
Dahan-dahan din sa pagbibitaw ng pahayag lalo pa’t may kaharap na media, partikular na sa mga detalyeng pinakakawalan na hindi naman sigurado, baka mamaya, haka-haka lang at kapag lumabas ang mga espekulasyong sinabi at naisulat na ng media ay magmumukha na itong totoo dahil nailathala na, kaya dapat mag-ingat para hindi gumulo ang sitwasyon.
Higit sa lahat ay napakarami ng nagmamasid dito, kaya malabong mangyari ang pangamba ng ilan nating ‘kagulong’.
Ngayon, sakaling may nalaman kayong hindi karapat-dapat na pangyayari at kumpleto kayo ng ebidensya ay bukas ang pitak kong ito at agad kayong makipag-ugnayan. Hindi tayo magdadalawang-isip na ilantad ang katotohanan — basta totoo lang!
Panahon ito ng pangingilin, iwasan sana natin ang mag-isip ng hindi maganda sa isa’t isa at sana ay maging bahagi ng ating pag-ayuno ang bawat desisyon natin sa buhay ngayong Kuwaresma.
Ayokong magtunog relihiyoso ngunit, ito ang naiisip kong pinakamabuting paalala sa ganitong panahon at hindi tayo dapat nagkakahati-hati dahil lamang sa hindi kumpirmadong intriga —Amen.
Kung sakaling mangyari nga ang espekulasyon ng ilang kalahok sa pilot study na ito ay tiyak na isusulat din natin, kaya huwag kayong bibitaw sa pagsubaybay dahil ihahatid natin sa inyo ang mga pinakahuling pangyayari hinggil dito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentários