ni Gerard Arce - @Sports | November 30, 2022
Ginawa ng defending champions Petro Gazz Angels ang lahat upang makabalik sa Finals at maipagtanggol ang titulo, subalit tila kinapos ang puwersa kontra Final-bound na Cignal HD Spikers ng ang hinahanap na straight set ay napunta sa fourth set panalo sa 25-14, 25-21, 25-27, 25-19 sa 2022 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa huling araw ng single round-robin semifinals sa Philsports Arena sa Pasig City.
Binuhat ni import Lindsey Vander Weide ang defending champions Petro Gazz sa 30 puntos lahat mula sa atake upang makuha ang ikalawang panalo at tumabla sa Cignal, subalit mas mataas ang set ratio ng Cignal kaya nakatuloy ito sa finals sa kauna-unahang pagkakataon na naghihintay ng resulta ng laban sa pagitan ng three-peat seeking Creamline Cool Smashers at Chery Tiggo Crossovers.
Sumegunda para sa nagtatanggol na kampeon sina Mar Jana Philipps na pumalo ng 13 puntos mula sa 7 blocks, limang atake at isang service ace at Aiza Maizo-Pontillas, habang sumuporta sina Remy Palma na may 7 puntos at Djanel Cheng 7 puntos at 16 excellent sets.
“Mataas 'yung expectations eh. Pinag-uusapan na nga natin, kailangan maka-straight sets.
Kung hindi naman namin nakuha, at least napanalo pa rin. So, abangan na lang natin mamaya. 'Di na sa amin nakasalalay,” pahayag ni Petro Gazz coach Rald Ricafort.
Nanghihinayang man si two-time conference MVP Myla Pablo sa naging kinalagyan ng koponan na kinapos sa third set na halos hawak na ang inaasam na straight set panalo sa 24-21, mas mainam na umanong ibinigay nila ang lahat para makuha ang panalo.
Comments