ni GA @Sports | November 2, 2023
Mga laro ngayong Huwebes
(Santa Rosa Sports Complex)
2 n.h. – PLDT vs NXLed
4 n.h. – Choco Mucho vs Galeries
6 n.g. – F2 Logistics vs Petro Gazz
Puntirya ng Petro Gazz Angels na sumosyo sa liderato, habang pilit na maghihiwalay ng landas ang F2 Logistics Cargo Movers, PLDT High Speed Hitters at Choco Mucho Flying Titans sa pagkakatabla sa nakalinyang triple-header na bakbakan ng 6th Premier Volleyball League (PVL) 2nd All-Filipino Conference ngayong araw sa pagdayo ng liga sa Santa Rosa Sports Complex sa Laguna.
Paniguradong magtutulungan muli para sa Petro Gazz sina Aiza Maizo-Pontillas, Gretchel Soltones, Jonah Sabete, Remy Joy Palma at ace playmaker Djanel Cheng na makatabla sa Creamline Cool Smashers na nananatiling walang talo sa liga sa 4-0 kartada, laban sa mas pinalakas na hambalos ni Ivy Lacsina na suportado nina Majoy Baron, Jolina Dela Cruz, Ara Galang, Aby Marano, at Kim Fajardo para pilit takpan ang kawalan nina Kim Kianna Dy at Myla Pablo mula sa injury sa tampok na laro ng 6 p.m.
Kasalukuyang tabla sa 2-1 marka ang Cargo Movers, PLDT at Choco Mucho, kung saan nakahandang makipagharap ang PLDT laban sa NXLed sa pambungad na laro ng 2 p.m. na susundan ng tapatan ng Flying Titans at Galeries sa ikalawang laro sa 4 p.m.
Galing sa pangwawalis na panalo ang Petro Gazz kontra Chameleons sa 25-23, 25-21, 25-22 nitong nagdaang Sabado sa Candon City Arena sa Ilocos Sur, gayundin ang F2 Logistics laban sa Galeries na madaling dinispatya sa 25-15, 25-22, 25-17. Galing din sa panalo ang Choco Mucho nang walisin ang Cignal HD Spikers sa 25-21, 25-19, 25-18, habang mataas ang sagap ng laro ng PLDT ng dominahin ang Farm Fresh Foxies sa 25-17, 25-17, 25-20 noong Oktubre 24 sa Ynares Center sa Antipolo City.
Comments