top of page
Search
BULGAR

Angel, namulitika lang — Kap Valmocina

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 25, 2021



Iginiit ni Barangay Holy Spirit, Quezon City Chair Felicito Valmocina sa isang video interview na ni isa sa mga kapulisan, Task Force Disiplina, barangay tanod at mga volunteers ay walang sinabihan ang kampo ng aktres na si Angel Locsin na pigilin na ang pagdating ng mga tao sa inorganisa niyang community pantry noong Biyernes.


Dinumog ng mga tao ang naturang community pantry at isang senior citizen ang nahimatay at binawian ng buhay. Ayon kay Valmocina, palpak ang naging sistema nina Angel sa naturang proyekto.


Aniya, “Isa-isa ninyong ilalagay sa mga bag ‘yung mga nakalagay du’n sa checklist. Kung 15 grocery items ‘yun, pi-fill up-an ‘yun, itsetsek ng mga tao at papasok ‘yung isa. Sa bawat isang tao po, inaabot ng 4 minutes kaya ‘yung 300 na ipinamahagi ninyo na umabot nang hanggang doon sa may Mercury, sana sinabi ninyo, ‘Hanggang diyan na lang at pauwiin na ‘yung lalagpas diyan sa Mercury na ‘yan.’ “Hindi n’yo rin po ginawa ‘yan.”


Aniya pa, “Dalawang beses kayong dumaan diyan sa Commonwealth Ave., kitang-kita ng dalawang mata ninyo ang libu-libo na mga fans ninyo na naghihintay na makita, masilayan, makamayan kayo dahil panatiko sa inyo ang mga tao. Pero luhaan silang umuwi sapagkat nagkulang po kayo sa mga tao na hindi ninyo talaga sila kayang bigyan at matulungan.”


Ayon din kay Valmocina, walang nakipag-coordinate o nakipag-communicate sa kanila mula sa kampo ni Angel para humingi ng tulong sa pagpigil sa pagpunta at pagpapauwi ng mga tao. Dinedma rin daw nina Angel ang kampo ni Valmocina. Aniya, “Lahat ng mga tanong, hindi na nila sinasagot, ayaw na nilang sagutin o sinasadya nilang ayaw sagutin.” Saad pa ng barangay kapitan, “Napakalaking negligence po ‘yan kasi simpleng communication lang ang solusyon dito, eh. Simpleng common sense lang.”


Nilinaw din ni Valmocina na walang verbal communication na naganap sa pagitan nila at ng kampo ni Angel. Mayroon man daw ipinadalang sulat ngunit aniya, “Andito nga po ang sulat na ang nakalagay, dalawang tanod lang po ang hinihingi na parang napakaliit na grupo lang talaga ang kanyang bibigyan.”


Hindi na rin umano pinaimbestigahan ni Chair Valmocina nang magpadala ng sulat si Angel bilang pag-iingat sa isyu ng profiling at red-tagging. Aniya, “Hindi ko na pinaimbestigahan pa para alamin talaga sapagkat alam n’yo namang napakainit ng isyu na ‘pag tinatanong mo ngayon ‘yung namimigay, eh, sasabihin, nire-red-tagging mo na, profiling na.


Kaya nag-ingat po kami lalo pa at si Madam Locsin ay identified na ganito kaya nag-ingat po talaga kami.” Saad din ng kapitan, “Nanawagan kayo sa social media… anyone is welcome… eh, milyun-milyon po ang followers, ang fans ninyo.”


Nilinaw din niya na mahigit 50 na ang organisasyong nagsagawa ng pagbibigay-ayuda sa kanilang lugar ngunit naging maayos ang sistema at walang gulo at nalabag na health protocols dahil nakipag-ugnayan sa kanila. Panawagan din ni Valmocina sa mga nais tumulong, “‘Wag na po tayong mamulitika. Idiretso po natin sa taong mahihirap. ‘Wag na po ‘yung kung anu-ano pang mga seremonyas na mga gagawing propaganda. Ang kailangan po, diretso sa taong naghihirap, diretso sa mga bahay at sasamahan namin kayo. Dapat ganyan po. Kung totoong gusto ninyong tumulong, ganyan ang gawin ninyo para maging maayos. Pero kung maraming cheche bureche, kailangan may media pa, para sa akin, pulitika na lang ‘yan.”


Naghintay lang daw ang kampo nila na magsabi sina Angel na pigilan na ang mga tao ngunit imbes na mula sa aktres manggaling, ang Task Force Disiplina pa raw ang nag-utos at nagsabi sa mga tao na umalis na. Aniya pa, “Pero ayaw pa rin umalis dahil nagtiyaga na nga naman sila, tapos wala rin pala, nganga ang inabot nila.”


Binanatan din ng kapitan ang naging pahayag ng aktres na: “Nagsimula po kami na maayos po ang aming layunin, pati po ang aming pagpaplano ng social distancing, nagkataon lang po talaga na siguro, gutom lang po talaga ‘yung tao na kahit wala po sa pila, sumingit na po sila.” Pahayag ni Valmocina, “Mali ang statement niya na ‘yun. Eh, sino ba ang nag-imbita? Eh, siya ang nag-imbita sa Facebook, eh.


Pagkatapos, ngayong nagpuntahan, sasabihin mong kaya pumunta, eh, nagugutom. Pumunta sila dahil nag-imbita ka sa birthday mo. Mali ‘yun para sa akin, Madam Angel. Nasaktan ako ru’n na parang ang may kasalanan pa ay ang taumbayan na dahil sa kahirapan ay pumunta ru’n. Kaya pumunta ru’n, dahil nag-post kayo, eh.” Pananagutin din umano ng awtoridad ang mga dapat managot sa insidente, ayon kay Valmocina. Aniya, “Kung may nagkamali, kung may nagkasala, dapat lang pong managot.”


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page