top of page
Search
BULGAR

Angel Locsin, todo-sorry sa pamilya ng senior na namatay sa community pantry

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 23, 2021



Kinumpirma ni Angel Locsin ang balitang may namatay na senior citizen habang nakapila sa binuksan niyang community pantry sa Quezon City ngayong Biyernes at humingi rin ng paumanhin ang aktres sa insidente.


Post ni Angel sa kanyang Instagram account, “Sa tingin ko, tama lang po na sa akin ninyo na marinig na totoo po ang balita na may inatake at namatay habang nasa pila ng community pantry. Senior citizen po siya na pumila raw po nang 3 AM at may nakainitan sa pila.”


Kinilala ng station commander ng Holy Spirit Police Station na si Lt. Jeffrey Bilaro ang naturang senior citizen na si Rolando dela Cruz, 67-anyos at residente rin ng naturang barangay.


Hindi pa malinaw ang sanhi ng pagkamatay ni Dela Cruz.


Ayon naman kay Angel, pinuntahan niya sa ospital ang pamilya ni Dela Cruz at personal siyang humingi ng tawad sa nangyari.


Aniya pa, “Bago po ang lahat, humihingi po ako ng tawad sa pamilya. Kanina po, pinuntahan at nakapag-usap po kami nang personal ng mga anak n’ya sa ospital.


“Habang buhay po akong hihingi ng patawad sa kanila.”


Ayon kay Angel, masipag na ama si Dela Cruz at nagtitinda ng balut. Saad pa ng aktres, “Si tatay po ay isang masipag na ama na nagtitinda ng balut. Hindi ko man po siya nakilala, pero sa pagkakakilala ko sa mga anak niya ay mabuti po siyang ama at maayos niyang napalaki ang mga anak niya.”


Dahil sa dami ng mga senior citizens na nagpunta sa community pantry ng aktres ay nagtayo sila ng fast lane na tent na may mga upuan.


Aniya pa, “Pero hindi naman po ibig sabihin na ini-encourage po namin ang mga seniors na lumabas at alam po natin na bawal po according sa IATF rules.”


Hindi nilinaw ni Angel kung muli pa bang bubuksan ang kanyang community pantry ngunit aniya, “Pagkatapos po, ido-donate na lang po namin ang mga natitirang goods sa ibang community pantries at barangay.


“Ang nangyari po ay akin pong pagkakamali. Sana po’y ‘wag madamay ang ibang community pantries na maganda po ang nangyari.”


Ayon din kay Angel ay tutulungan niya ang pamilya ni Dela Cruz. Saad pa ng aktres, “Sa ngayon po, I will prioritize helping the family and I will make it my responsibility to help them get through this.


“I am very, very sorry."


1 Yorum


Ace Capistrano
Ace Capistrano
23 Nis 2021

na karma ka sa kalokohan mo

Beğen

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page