ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 02, 2021
Tapos na ang 16 taong paghihintay ni All-Star Chris Paul na makalaro sa NBA Finals. Namayani ang beteranong point guard sa 130-103 panalo ng kanyang Phoenix Suns kontra sa Los Angeles Clippers at wakasan ang Western Conference Finals ng 2021 NBA Playoffs sa anim na laro kahapon sa Staples Center, 4-2.
Dominado ng bisitang Suns ang buong laro at isang beses lang nakalamang ang Clippers sa first quarter, 20-19. Inilatag nina Devin Booker at Deandre Ayton ang pundasyon ng tagumpay sa first half, 66-57, at mula roon ay walang nakapigil sa umaapoy na laro ni Paul.
Bumanat ng 12 puntos sa 3rd quarter si Paul para itulak ang Suns sa 97-83 na lamang at lalong ginanahan ang kanyang mga kakampi. Tila sumuko na ang Clippers pagsapit ng huling dalawang minuto at ipinasok ng parehong koponan ang mga reserba subalit hindi nagpreno ang Phoenix at lumobo pa lalo ang agwat sa 130-102 sa huling minuto.
Nagtapos si Paul na may 41 puntos sa 35 minuto. Sinundan siya nina Booker na may 22 puntos at Jae Crowder na may 19 puntos habang double-double si Ayton na 16 puntos at 17 rebound. Nanguna sa Clippers si Marcus Morris Sr. na may 26 puntos habang 21 puntos si Paul George. Naubusan ng milagro ang koponan matapos bumangon sa mga nakaraang serye laban sa Dallas Mavericks at numero unong Jazz.
Maliban sa masakit na balikat, matatandaan na nawala si Paul sa unang dalawang laro ng serye dahil sa COVID-19 protocol subalit matibay ang kanyang mga kakampi at nagwagi ng dalawang beses. Magpapahinga saglit ang Suns at hihintayin ang kanilang magiging kalaro.
Magtatapat ang Milwaukee Bucks at bisitang Atlanta Hawks sa napakahalagang Game Five sa East Finals ngayong araw sa Fiserv Forum simula 8:30 ng umaga. Malaking hamon sa parehong koponan ang paano nila lalampasan ang napipintong pagliban ng kanilang mga superstar Giannis Antetokoumpo ng Bucks (tuhod) at Trae Young ng Hawks (bukong-bukong).
Comments