ni Anthony E. Servinio / MC - @Sports | August 25, 2021
Pormal nang magsisimula ang kompetisyon sa 2020 Tokyo Paralympics ngayong araw ng Miyerkules matapos ang makulay na pambungad na palabas at parada kagabi sa Olympic Stadium. Igagawad ngayong araw ang mga unang medalya sa larangan ng Swimming, Track Cycling at Fencing.
“Ang umaayaw ay hindi magwawagi. Kaya hindi tayo umaayaw,” ayon kay Wheelchair racer Jerrold Mangliwan, na nagkapolio sa edad 2 at hindi patitinag kahit sino pa ang kalaban. “Kung titignan natin yong record nila (ang kalaban), malakas po sila. Pero malakas din po tayo,” ayon naman kay discus thrower Jeanette Aceveda habang nasa Athletes Village sa Tokyo.
Si Aceveda ay naka-3 golds noong 2013 ASEAN Para Games sa Naypyidaw, Myanmar at aniya mabigat ang susuungin nilang pagsubok pero 'di aatras dahil suportado sila ng Philippine Sports Commission. “Salang-sala na po yan sa bansang pinanggalingan nila so battle of the champions na po yan. Eh, hindi po tayo susuko,” ayon sa 50-anyos na bulag at may 3 anak na binuhay niya sa pagiging massage therapist sa iba't ibang malls sa Marikina.
Sa pangunguna ni Wheelchair Racer Jerrold Pete Mangliwan na nagdala ng watawat, pumasok sa Olympic Stadium ang Pilipinas na ika-115 sa listahan ng 163 na kalahok na bansa. Unang pumasok sa Opening Ceremony kagabi ang Refugee Paralympic Team na binubuo ng mga atletang napilitang lumikas sa kanilang mga bansa bunga ng kaguluhan o politika, pangalawa ang Gresya kung saan unang ginanap ang Olympics at panghuli ang host Japan.
Panalo ang porma ng mga Pinoy sa parada suot ang kanilang Barong Tagalog na likha ng Bordado ni Apolonia ng Taal, Batangas. Sinamahan ito ng salakot at maskara na gawa sa telang pina na may disenyong araw at tatlong bituin.
Umani ng papuri ang mga atletang Filipino mula sa pamunuan dahil sa ipinakita nilang pagsunod ng mga health at safety protocol buhat pagdating nila sa Japan noong Linggo ayon kay Chef de Mission Dean Francis Diaz. Masaya at ganado din ang mga atleta matapos makatanggap ng mga regalo mula sa mga sponsor kabilang ang isang bagong cellphone.
Si Mangliwan, ang unang sasabak sa Biyernes, sa T52 men’s 400-meter race. “Nakita na namin yong record ng kalaban ni coach Joel kaya nakita namin may malaking pag-asa ako makapasok sa event na to,” ayon kay Mangliwan. “Yun ang pinaka-goal ko is to make it to the finals po talaga. Kung makuha ko po yung goal ko na yon, all out na po doon.” “Bali gusto din po natin makapasok sa finals. At siyempre po, manalo. Ibibigay namin yong best namin,” ayon kay Aceveda na lalaro na blindfolded.
May 4,000 Para athletes at officials sa may 163 mga bansa ang lalahok sa Tokyo Para Games. Sasakay sila sa automated self-driving buses sa loob ng Athletes Village bilang service vehicle. Ang galaw ng mga sasakyan ay minomonitor ng computers at video cams hanggang sa bus stops. “Medyo magulo dahil walang driver pero masasanay din kalaunan,” aniya.
Sa Huwebes nakatakdang sumabak si Gary Bejino ng Swimming sa 200M Individual Medley SM6 sa Tokyo Aquatics Center simula ng 9:30 ng umaga. Nanalo ng pilak si Bejino sa nasabing karera sa 2018 Asian Para Games sa Indonesia kung saan umoras siya ng 3:08.64.
Comments