ni Judith Sto. Domingo @Asintado | December 15, 2023
Nalalapit na ang araw ng Kapaskuhan. Simula na ng Simbang Gabi. Hinihimok na tayong balikan ang mga pangyayari sa Bethlehem ilang libong taon na ang nakalipas.
Walang kamalay-malay noon ang buong mundo, maliban sa ilan na isisilang na si Hesus, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.
Pinili ng langit ang isang sabsaban para doon maipanganak si Hesus. Isang paalala sa atin na sa mahirap nating kalagayan sa buhay, kapiling natin ang Diyos at ang kanyang kaisa-isang Anak na batid at dama ang lahat ng ating mga pinagdaraanan.
Salubungin natin ang Paskong darating nang may nag-uumapaw na pasasalamat sa Maylikha sa buhay na ipinahiram at sa bawat araw na bigay Niya sa atin. Balikan at alalahanin natin lahat ng pagpapala na nakamit natin ngayong taon at magpasalamat muli tayo sa Kanya.
Magbalik-tanaw din tayo sa mahihirap na sitwasyon sa ating buhay at manggilalas kung paano natin iyon nakayanan. Biniyayaan tayo ng kakaibang lakas para malampasan ang mga hamon ng panahon.
Pasalamatan natin ang bawat luha, ngiti, kasiyahan, tagumpay na ating nakamit ngayong taon.
Gayundin, ang bawat nag-aanyong dagok, tila pagkatalo, at pagkalugmok na kinakailangan nating pagdaanan para sa ikabubuo ng ating pagkatao na kalaunan ay magdadala sa atin sa mas maayos na kalagayan kung tayo ay mananalig.
Bulungan natin ang ating kalooban na laging magpatawad sa bawat nagkasala at sa atin ay nakasakit. Gayundin sa lahat ng nakalimot, umalipusta at tumrato sa atin ng hindi marapat.
Taimtim na idalangin na lagi nating magawang piliin ang pagkakaroon ng busilak na puso, na handang tupdin ang tama at mabuti sa lahat ng sandali, na nagpapahalaga sa Diyos una sa lahat, na nagmamahal sa kapwa tulad ng pagmamahal ni Hesus sa bawat nilalang.
Sa halip na magsulat ng ating kinasasabikang “wish list” para sa Pasko, magtala tayo ng ating “weapon list” para ipaalala sa ating mga sarili kung anu-ano ang mayroon na tayo na magagamit natin sa pagharap sa paparating na panibagong taon. Anu-ano ang ating taglay na kakayanan para masungkit ang ating mga pangarap. Anu-ano ang ating mga katangian na magpapalakas sa ating mga taglay na kakayanan. Anu-ano ang ating mga pinagdaanan na maipagmamalaki natin at magiging inspirasyon ng maraming hindi nakaranas ng ating mga dinanas. Sinu-sino ang mga taong laging nasa tabi natin na kahit hindi natin nabibigyang pansin ay patuloy na umaalalay sa atin sa lahat ng panahon, at sinu-sino ang mga nagtitiwala sa atin na nagpapaalala ng ningning ng ating pagkatao.
Nawa, tayo ang magpuno sa pag-asa ng mga kababayan nating unti-unting nawawalan ng lakas ng loob. Kung salat man sa pantulong na materyal o pinansyal, maaari rin naman tayong tumulong sa pamamagitan ng pananalangin, pagpapayo, pagbibigay ng oras, pagbabahagi ng kaalaman at sinserong pakikinig sa hinaing ng mga may pinagdaraanan.
Ang paglilingkod sa kapwa habang may sariling mga suliranin ay daan sa tunay na pananagumpay sa buhay. Sundan natin ang gabay ng ningning ng bituin ng Kapaskuhan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comentários