top of page
Search
BULGAR

Ang tagumpay ng mga atletang Pilipino ay tagumpay rin natin at ng buong Pilipinas

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 07, 2023



Masaya po ako sa sunud-sunod na tagumpay ngayon ng ating mga atletang Pilipino sa international sports competitions.


Napanalunan ni Alex Eala ang kanyang ikatlong International Tennis Federation professional crown noong June 4 sa Yecla Club de Tenis sa Spain. Mula naman sa kanyang pagwawagi ng gold medal sa SEA Games sa tennis men’s doubles, nagkampeong muli si Francis Casey Alcantara, katambal si Hiroki Moriya ng Japan, sa BNI-Medco Energi M25K International Tennis Series noong June 3 sa Jakarta, Indonesia.


Nakakuha naman ng bronze medal ang Filipina gymnast na si Jasmine Althea Ramilo sa ginanap na 19th Junior Rhythmic Gymnastics Asian Championships sa Ninoy Aquino Stadium noong June 3.


Namamayagpag din ang delegasyon ng Pilipinas sa ginaganap na 12th ASEAN Para Games sa Cambodia na kung saan, as of June 6 ng hapon, meron na tayong nasungkit na 14 na gintong medalya, 17 na pilak at 17 na tansong medalya o kabuuang 48 na medalya. Hangad natin na mas marami pang medalya ang mapapanalunan ng koponan bago matapos ang ASEAN Para Games ngayong Biyernes.


Ilan lamang ito sa mga mahuhusay na atleta natin na mag-uuwi na naman ng karangalan sa bansa. Ang tagumpay ng ating mga atletang Pilipino ay tagumpay rin ng buong sambayanan.


Sa ating parte, bilang Chair ng Senate Committee on Sports, inisponsoran natin at ipinaglaban sa Senado ang karagdagang pondo para sa Philippine Sports Commission noong deliberasyon para sa ating 2023 budget, partikular ang para sa grassroots sports development at suporta sa ating mga atletang lalahok sa mga international competitions. Sa katunayan, dapat ay humigit- kumulang sa P200 milyon lang ang budget para sa PSC, pero ipinaglaban natin na madagdagan ito ng P1 bilyon, kung saan kasama na ang pondo bilang suporta sa mga lalahok sa SEA Games, Asian Games, ASEAN Para Games, 2024 Paris Olympics, at iba pang international competitions.


May bahagi ng pondo na inilaan din para sa pagho-host ng Pilipinas ng 2023 FIBA World Cup at iba pang programa gaya ng Batang Pinoy, Philippine National Games, at ang grassroots program na nasa ilalim ng Sports Development Council. Naglaan din ng pondo para sa pagpapatayo ng sports facilities sa buong bansa, at para sa mas pinalawak na research and development sa larangan ng sports sciences and sports technology.


At bilang isang sports enthusiast mula noong bata pa ako at hanggang ngayon, naniniwala ako na isang paraan ang sports para mailayo ang ating mga kabataan sa ilegal na droga at manatiling malusog ang kanilang pangangatawan at isipan. Ang lagi kong payo sa kanila: get into sports, stay away from drugs.


Samantala, hindi naman tayo tumitigil sa paglalapit ng serbisyo sa ating mga mga kababayang nangangailangan. Kahapon, June 6, ay nasa Agusan del Norte tayo at nag-inspeksyon sa ginagawang Las Nieves Bridge at mga kaugnay nitong kalsada. Ang naturang proyekto ay nasimulang mapondohan natin sa pamamagitan noong administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Las Nieves Super Health Center. Pinangunahan din natin ang pagkakaloob ng tulong sa 1,500 mahihirap na residente ng Las Nieves.


Bago natapos ang araw ay dumiretso tayo sa Butuan City at nag-inspeksyon sa itinayong Super Health Center sa Bgy. Ampayon. Hindi naman natin kinaligtaang mag-abot ng tulong sa 2,000 mahihirap na Butuanons. Dumalo rin tayo sa ginanap na annual general assembly ng Philippine League of Secretaries to the Sanggunian, Inc. sa Davao City. Masaya ko ring ibinabalita na sinimulan na kahapon ang pagtatayo ng Talon-Talon Super Health Center sa Zamboanga City.


Nasa Digos City naman tayo noong June 5 at sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Digos Super Health Center, at pinagkalooban ng tulong ang 1,500 mahihirap na residente sa lugar.


Ang Bicol naman ang ating binisita noong June 3 at dinaluhan ang 1st Bicol Social Media Summit 2023. Suportado natin ang ating mga manggagawa sa media at ang malayang pamamahayag. Mahalaga ang papel na ginagampanan nila sa paghahatid sa ating mga kababayan ng tamang impormasyon.


Nakisalamuha rin tayo sa 1,500 mahihirap na residente ng Naga City at nagkaloob sa mga ito ng kaunting tulong. Ininspeksyon din natin ang Almeda-Mabolo bypass road na isa sa mga proyekto kung saan naging instrumento tayo para masimulan at mapondohan noong 2020 at 2021. Malaking ginhawa sa pagbiyahe ng ating mga kababayang Bicolano ang kalsadang ito.


Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng Naga City Super Health Center, at nag-monitoring visit sa Malasakit Center na nasa Bicol Medical Center. Nagkaloob tayo ng suporta sa mga pasyente at frontliners kabilang na ang mga security guards at utility personnel ng ospital. May hiwalay ding tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga kuwalipikadong pasyente.


Maagap ding dinaluhan ng aking opisina ang mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 186 residente ng Bgy. Tatalon, Quezon City; 41 sa Caloocan City; at lima pa sa Baguio City. Naghandog din tayo ng dagdag na suporta sa 83 TESDA trainees sa Carcar, Cebu City. Limang estudyante rin sa Baguio City ang nabigyan ng educational assistance at dagdag tulong, habang 1,500 na mahihirap naman ang nasuportahan sa Calatrava, Romblon.


Ipinapaabot ko naman ang aking pagbati kina Dr. Teodoro Herbosa bilang bagong kalihim ng Department of Health, at Atty. Gilberto Teodoro bilang bagong kalihim ng Department of National Defense. Bilang Chair ng Senate Health Committee at Vice Chair ng Senate Defense Committee, handa akong makipagtulungan sa kanila sa paghahatid ng serbisyo sa bawat Pilipino. Unahin natin parati ang interes at kapakanan ng mga mahihirap at walang ibang matakbuhan—iyan ang mensahe ko sa kanila.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page