top of page
Search
BULGAR

Ang pangarap noon ay naisasakatuparan na ngayon

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 30, 2022


Bawat Pilipino ay may pangarap na mas magandang buhay para sa kanilang pamilya. Pinaghihirapan ng mga magulang na siguraduhing maging mas maginhawa ang kinabukasan ng kanilang mga anak. Ito ang rason kung bakit isinakripisyo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat para labanan ang masasamang elemento sa lipunan.


At tulad ng sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang pangarap ninyo ay pangarap din namin. Ito ang dahilan kung bakit sama-sama tayong lumalaban tungo sa iisang hangarin para sa ating inang bayan. Magkaiba man tayo ng mga pinanggalingan, iisa ang daang ating tinatahak para masigurong walang maiiwan sa ating muling pagbangon.


Mula nang pagkatiwalaan ninyo ako na maging bahagi ng Senado, naging paninindigan ko na noon pa man ang gawin ang aking makakaya na magkaloob ng komportableng buhay sa lahat ng Pilipino. Ito ang panata na aking pinanindigan kasama ang pangako na magsilbi at magserbisyo sa inyo nang sapat.


Unti-unti ay nagiging reyalidad na ang pinaghirapan natin noon. Ang mga pangarap noon ay naisasakatuparan na ngayon.


Isa na ang Overseas Filipino Workers Hospital sa San Fernando City, Pampanga na pinasinayaan noong Mayo 1 na sinaksihan namin ni dating pangulong Rodrigo Duterte.


Ang OFW Hospital ay testamento kung gaano namin kamahal ni Tatay Digong ang ating mga bagong bayani at para mapangalagaan ang kanilang kalusugan maging ng kanilang pamilya. Ito rin ang kauna-unahang ospital para sa mga OFW at sa tulong nito, masusuklian natin ang kanilang sakripisyo at mapasalamatan sila sa kanilang kontribusyon sa ating bansa.


Bahagi pa rin ng ating malasakit at serbisyo sa ating mga OFW, isa sa aking mga pangarap na natupad ang paglikha sa Department of Migrant Workers.


Sa 18th Congress ay isa po ako sa may akda at co-sponsor ng Republic Act 11641, kung saan nalikha ang DMW, kaya mayroon na ngayong ahensya na nakatutok sa mga isyung kinahaharap ng OFW sa kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa at hindi na sila kailangang mag-ikot pa sa iba’t ibang tanggapan para humingi ng tulong at serbisyo.


Sinimulan ko rin ang inisyatiba noong 2018 para matulungan ang ating mga kababayan, lalo na ang mahihirap at walang pagkukunan, sa kanilang hospital bills sa pamamagitan ng Malasakit Centers program.


Naisabatas ang Malasakit Centers Act noong 2019 na akin ring iniakda at ini-sponsor sa Senado noon. Sa pamamagitan ng Malasakit Centers, hindi na kailangang pumila o mag-ikot pa ng mga Pilipino sa mga opisina ng gobyerno para kumuha ng medical assistance. Gobyerno na mismo ang naglapit sa kanila ng mga serbisyong ito sa tulong ng Malasakit Centers, na sa kasalukuyan ay milyun-milyon na nating kababayan ang naalalayan.


Masaya rin po akong ibalita na sa ngayon ay mayroon na tayong 153 Malasakit Center sa buong bansa at nakapaglagay na rin po tayo sa OFW Hospital noong November 24, kaya dagdag-ginhawa ito sa kanila.


Bahagi naman ng aking adhikain na mapalakas ang ating healthcare system at mas maging maayos ang paghahatid ng serbisyong medikal ang pagpapatayo ng Super Health Centers sa buong bansa.


Ang SHC ay mga medium na bersyon ng polyclinics at mas malaki, kaysa sa rural health units. Magkakaloob ito ng mga serbisyo tulad ng outpatient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: X-ray, ultrasound), pharmacy at ambulatory surgical unit. Meron ding eye, ear, nose, and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy and rehabilitation center; and telemedicine. Magagamit din ito bilang satellite vaccination sites para sa mga kababayan nating nakatira malayo sa urban centers kapag may immunization na isasagawa ang Department of Health.


Ang pagtatayo ng SHC ay bahagi at pinopondohan ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng DOH na isinulong namin sa Kongreso noong nakaraang taon. Kasama ang pagpapatayo ng 307 SHCs sa buong bansa sa ilalim ng 2022 budget. Nais din nating makapagpatayo pa ng mas maraming SHCs sa susunod na mga taon kasama ang DOH at sa tulong ng LGUs. Kumpiyansa ako na sa pamamagitan nito, mas maaalagaan natin ang kalusugan ng ating mga mamamayan lalo na sa malalayong sulok ng bansa.


Sabi nila, libreng mangarap. Pero sa bawat pangarap na ito, may kaakibat na sakripisyo, serbisyo at pakikiisa na kailangan upang maging reyalidad ang mga ito.


Tulad ng mga naging pangarap ni Gat Andres Bonifacio na sa araw na ito ay ginugunita natin ang kanyang kapanganakan. Nangarap siya, kasama ang iba pang Katipunero, para sa kalayaan ng ating bansa. Nangarap siya para mabago ang buhay, lalo na ng ordinaryong Pilipino.


Kaya sana ay patuloy lang tayong magmalasakit at magbayanihan sa isa’t isa upang maisakatuparan ang ating mga pangarap para sa susunod na henerasyon.


Ang kinabukasan ng ating bansa ay nasa ating mga kamay kung kaya’t huwag tayong mawalan ng pag-asa kahit anumang hirap o krisis ang ating pinagdaraanan. Manalig tayo sa Diyos at magkaisa para sama-sama nating marating ang minimithing mas ligtas, komportable at masaganang buhay para sa lahat!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page