Ang Olongapo, ang Beijing, ang Inang Bayan at si Mario Miclat
- BULGAR
- Sep 11, 2022
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 11, 2022
Matagal na tayong hindi nakakapunta sa Olongapo. Sa tagal, hindi na natin maalala kung kailan ang pinakahuling punta natin. Madalas tayong pumunta doon noong 1991.
Kaibigan natin ang dalawang Social Action Directors ng Arkidiyosesis ng Pampanga at Diyosesis ng Iba na sina Among Ed Panlilio at Padre Roque Villanueva. Kaya noong sumabog ng Bulkang Pinatubo, madali nating naiugnay ang pagbuo ng ACC o Archdiocesan Crisis Committee ng Arkidiosesis ng Maynila sa ilalim ni Jaime Cardinal Sin.
Nagtuturo tayo noon sa seminaryo ng San Carlos sa Makati. Nagmistulang palengke ang harapan ng seminaryo nang dumagsa ang mga truck at sari-saring sasakyang may dalang donasyong bigas, de-lata, gamot, damit at iba pa para sa mga biktima ng Bulkang Pinatubo. Ilang buwan nagtagal ang pari’t parito natin ng San Fernando, Pampanga at Iba, Zambales at seminaryo ng San Carlos sa Makati. Noong naunang taon, 1990 nagsimula na ang pagiging bagsakan ng “relief” o “ayuda” ang seminaryo ng San Carlos noong naganap ang baha ng Ormoc City, kung saan nagpadala ang Arkidiosesis ng Maynila sa Ormoc, Leyte ng ilang truck ng relief na isinakay sa barko. Sinamahan natin ang barko at nag-volunteer din si Sr. Lydia Collado RSCJ sa oplan Ormoc ng ACC.
Ngunit hindi iyon ang huli nating pagpunta sa Olongapo. Naaalala pa natin ang sinimulang ATR o Anti-Trapo Run na dinala sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Isa ang Olongapo sa mga napiling pagdarausan ng ATR. Kung saan merong matagal nang namamayaning dinastiya, naroroon kami. Kilala noong mga panahong iyon ang mga Gordon sa Olongapo. Sa pamamagitan ng munting takbo na nagsimula sa Ulo ng Apo at nagtapos sa simbahan, kung saan kami nananalangin at nagbigay ng huling pahayag. Oo, medyo matagal-tagal na nga ang lumipas na panahon nang huli nating dinalaw ang Olongapo.
At ganun din ang nagdaang panahon ng paglikas ng mga lumaban kay Marcos tulad nina Alma at Mario Miclat na nananatili sa Tsina mula 1971 hanggang 1986. Nag-aral ng Mandarin ang mag-asawa. Ganun din ang kanilang dalawang anak na sina Maningning at Banaue. At isa sa mga naging trabaho ng mag-asawa ay ang pagsasahimpapawid sa Radio Peking tatlong beses sa isang araw ng 30-minutong programa. Hindi lang nagtrabaho sa Radio Peking ang magasawa. Nagmasid, nag-aral at buong ingat isinulat ng mag-asawa ang kanilang mga karanasan sa Tsina. Namunga ito ng ilang libro, tulad ng “Secrets of the Eighteen Mansions” na isinulat ni Mario. At nang mamatay si Mario noong ika-3 ng Abril 2021 nagsimulang buuin ni Alma ang ilang sinulat ng kanyang mahal na asawa sa tatlong libro: Hundred Flowers Hundred Philosophies; Kailan at 70+ na Tula; at 21 West 4th Street.
Noong kababalik lang natin ng Pilipinas mula nang halos limang taong pagpapatapon (exile) sa Guizho at Hong Kong sa Tsina, inimbitahan tayo ni Mario na magbahagi ng naging karanasan ko bilang “Foreign Expert” sa Tsina. Hindi pa natin lubos na nakikilala si Mario. Nakilala lang natin siya sa pamamagitan ni Dr. Ajit Rye, na propesor ng Political Science sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagulat tayo sa paanyaya dahil hindi pa natin maituturing ang ating sarili na dalubhasa sa kultura at kasaysayan ng Tsina. Napakababaw pa ng aking karanasan at kaalaman tungkol sa Tsina. Ngunit anumang karanasan at pagninilay dito ay mahalaga para kay Mario. Panahon ng pagkakatapon natin nang apat na taon sa Guizho at Hong Kong, kung saan tumagal ng 11 taon.
Isinulat ni Mario noong siya’y isa lamang mag-aaral sa UP ang “Rebolusyonaryong Sigwa” na isa sa mga naging saksi sa Third Quarter Storm na lumaban kay Marcos.
Tila hindi pa natapos ang rebolusyonaryong sigwang nagsimula noong dekada '70s. Tuloy-tuloy lang ang rebolusyon, ang pagbabago, ang pagpapalaya ng isip, diwa, puso at bansa.
Inilibing na si Mario kahapon sa Olongapo. Bumalik na si Mario sa mahal niyang Olongapo. Salamat sa pagkakaibigan, sa malaya’t nagpapalayang kaisipan at diwa, Mario. At salamat din sa Olongapo.
Comments