top of page
Search
BULGAR

Proteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | March 8, 2023



Ang Marso ay Fire Prevention Month bilang ito ang pinakamainit na buwan sa Pilipinas.


Sa panahong ito rin mas mataas ang bilang ng insidente ng sunog sa ating bansa, batay sa datos ng Bureau of Fire Protection (BFP). Muli tayong magpapaalala sa ating mga kababayan para magkaroon sila ng awareness na maging mapagmatyag sa mga posibleng pagmulan ng sunog gaya ng faulty electrical wiring, sobrang daming nakasaksak na appliance sa outlet, sirang lutuan, kandila at upos ng sigarilyo.


Kailangang maging alerto ang lahat dahil kahit pinakamaliit na ningas, ‘pag napabayaan ay maaaring tumupok sa buong kapitbahayan. Kaya patuloy ang aking mga inisyatiba para mapaalalahanan ang ating mga kababayan na mag-ingat at maging mapagmatyag para makaiwas na masunugan. Tayo ang principal author at nag-co-sponsor ng Republic Act 11589 o ang BFP Modernization Act of 2021 para mapalakas ang kakayahan ng ating mga bumbero sa pagtugon sa mga insidente ng sunog, pagkakaroon ng mga modernong fire equipment, dagdag na mga tauhan, pagkakaloob ng specialized training sa mga bumbero, atbp. Bukod sa pagmodernisa ng kagamitan at kakayahan ng bumbero, magsasagawa rin ang BFP ng fire prevention campaigns and information drives sa bawat local government unit kada buwan. Mahalaga rito ang fire safety education. ‘Yung atin dito, kung papaano i-prevent at maturuan ang mga kababayan natin kung papaano maiiwasan ang mga sunog. Sa aking mga isinasagawang relief effort sa mga komunidad ay madalas kong masaksihan kung paanong sa ilang sandali lang ay natupok ang kabuhayan ng ating mga kababayan. Ang mga naipundar na ilang taon nilang pinag-ipunan ay saglit lang naging abo, minsan ay may nasasaktan at namamatay pa. Napakahirap talagang magsimulang muli sa wala. Kaya sila ang prayoridad kong tulungan dahil napakahirap ng kanilang kalagayan na wala agad matuluyan, problema pa ang pangunahing pangangailangan. Noong Marso 2, kasama ang kaibigan at kapwa ko mambabatas na si Sen. Robinhood Padilla ay pumunta kami sa Davao City para magkaloob ng ayuda sa 978 residenteng biktima ng magkahiwalay na insidente ng sunog sa Bgy. 21-C at Bgy. 22-C. Kasabay nito, naghatid din ang aking outreach team ng tulong para sa 39 residenteng nasunugan sa Parañaque City, at 96 pa sa Muntinlupa City. Kahapon din ay naghatid naman ang aking relief team ng tulong sa 135 na residenteng nasunugan sa South Caloocan at 66 sa North Caloocan. Palagi kong paalala sa kanila, ang importante, buhay tayo. Ang damit, nalalabhan natin.


Ang gamit ay nabibili natin, ang pera ay kikitain natin, pero ang perang kikitain ay hindi nabibili ang buhay. ‘Ika nga, a lost life is a lost life forever. Ang importante ay buhay tayo at mag-ingat tayo palagi. Samantala, sa aking manifestation sa inihaing Senate Resolution No. 517 noong Marso 6 na nagpapahayag ng taos-puso na pakikidalamhati sa pagkamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo, ibinigay ko ang aking suporta at pakikiramay. Nakikisimpatya rin ako sa pamilya ng iba pang nasawi sa pangyayaring ito. Katulad ng kanilang gobernador, marami sa mga nasawi at nasaktan ay naru’n upang maglingkod sa kapwa nila Pilipino. Ang nangyari kay Gob. Degamo ay isa lang sa dumaraming kaso ng pagpatay sa mga opisyal ng pamahalaan at pribadong indibidwal sa ating bansa—na kapag hindi naagapan ay baka lumaganap pa. Itong mga local officials ay nagtatrabaho at nagseserbisyo sa ating mga kababayan anumang oras, ngunit sila pa ang naging biktima ng karumal-dumal na patayan.


Nakakalungkot, kaya dapat ay matigil na ito at mabigyan ng hustisya. Personal din tayong nakiramay sa pamilya ni Gob. Degamo at bumisita sa kanyang mga labi na nakahimlay sa Dumaguete City kasama ang aking kaibigan na si Philip Salvador at mga kapwa senador na sina Jinggoy Estrada, Robin Padilla at Bong Revilla. Sa pamamagitan natin ay nagpaabot din ng pakikidalamhati si dating Pangulong Rodrigo Duterte. Isa ring Bisaya ang napaslang na gobernador, matapat na kaalyado ng Duterte administration at maaasahang katuwang sa serbisyo-publiko. Humihingi tayo ng hustisya para kay Gob. Degamo. Walang puwang ang ganitong uri ng karahasan sa ating demokrasya. Hiniling ko rin sa ating mga awtoridad na magtulungan tayo para labanan ang masasamang loob sa lipunan. Buo ang aking suporta at tiwala sa pag-iimbestiga na kanilang ginagawa sa insidenteng ito. Kami ay narito at handa kaming tumulong sa abot ng aming makakaya sa mga sibilyan na nadamay. Gawin natin ang lahat ng ating makakaya para matiyak na makakamit ng mga biktima ang hustisya. Sa kabila ng mga nagaganap na karahasan, huwag tayong matakot na gawin ang ating trabaho para sa ating mga kababayan. Huwag tayong bibitaw sa ating responsibilidad bilang mga lingkod-bayan. Sa halip, mas dapat tayong maging matatag at manindigan na gawin ang tama para sa ating bansa at kapwa Pilipino. Magpatuloy tayo sa pagprotekta sa karapatan at kaligtasan ng ating mga kababayan. Iparamdam natin sa kanila na ginagawa natin ang lahat para matiyak ang kanilang kaligtasan dahil nandito ang kanilang gobyerno na handang magserbisyo sa kanila. Bawat buhay ay importante at dapat maproteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino—kahit sinuman, kahit saanman. Minsan lang tayong dadaan sa mundong ito, gawin na natin ang lahat ng tulong at kabutihan sa ating kapwa.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page