ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 1, 2025
Tatlong rally ang idinaos noong nakaraang Biyernes, Enero 31, 2025, ang huling araw ng unang buwan ng taong 2025.
Merong kasabihan sa Banal na Kasulatan na nagsasabing, “ang huli ang mauuna at ang nauuna ay mahuhuli.” Ang araw ding ito ay ang ikalawang araw pagkatapos ng “Chinese New Year” o ang Bagong Taon ng bansang Tsina. At makabuluhan ang hayop na sumasagisag sa taong ito. Ito ang taon ng “ahas na kahoy” o ang Year of the Wooden Snake. Meron kayang kaugnayan ang tatong rally sa taon ng “ahas na kahoy”?
Nabasa natin noong isang araw ang pagninilay ng isang paring Tsino tungkol sa Taon ng Ahas na Kahoy. Ito ang sinabi ng pari: “Nawa’y tulad ng ahas matuto tayong iwanan ang nakaraan, tulad ng pagbabalat ng ahas na nagbabalat at iniiwanan ang mga bagay na hindi na kailangan sa patuloy na pagdaloy ng buhay.”
Likas sa ahas ang pagbabalat. Likas sa ahas ang pagbabago sa tuwina. Laging nagpapalit ng balat ang ahas sa kabuuan ng kanyang buhay, na hindi madali at masakit kaya’t hindi ito kumakain at kumikilos sa panahon ng pagbabalat. Sana’y tularan natin ang ahas na buong tapang humaharap at sumusuong sa pagbabago.
Dagdag pa ng pari: “Ang ahas ay hindi takot dumaan sa mga masukal, madilim at mapanganib na lugar. Hindi siya mananatili sa isang lugar kundi magpapalipat-lipat ito sa paghahanap ng mga lugar na merong buhay na pagkain. Bukas at handa siyang tahakin ang daan ng pagsubok at pagdadalisay para makamtan niya ang kaganapan ng buhay.”
Pangatlo at panghuli, ayon sa pari: “Ang ahas ay hindi natutulog na nakapikit. Walang talukap ang kanyang mga mata. Laging dilat ang kanyang mga mata sa paghahanap at pagbabantay, paglalamay para sa katotohanan.”
Para sa akin, hindi masama ang ahas. Napakarami nating matututunan sa kanya. Sa totoo lang, ang ahas din ang naging simbolo ng buhay at kaligtasan sa disyerto nang pagtutuklawin ng mga makamandag na ahas ang mga Israelita. Sinabi ng Diyos kay Moises na itaas niya sa kahoy na hugis krus ang isang uri ng ahas upang tingnan ng mga natuklaw ng makamandag na ahas at sila’y maliligtas. Isa ito sa mga unang simbolo ng mismong krus ni Kristo na siyang liligtas sa lahat ng mananampalataya.
Marahil, hindi aksidente na ahas ang tanda ng Bagong Taong Tsino. Kailangan nating unawain at matutunan ang mga katangiang kakaiba ng tanda ng “Wooden Snake” sa harap ng malulubhang problema ng korupsiyon, marahas, malupit at nakamamatay na gamit ng kapangyarihan at ang kaugnayan ng mga ito sa lumalaganap at kalat na kalat nang mga dinastiya.
Bunga ng isang buwan na tuluy-tuloy na pag-uusap at pagpaplano ng mahigit 70 grupo ang rally sa EDSA Shrine na tinaguriang: “Boses ng Mamamayan, Konsyerto ng Bayan”. Nagsimula ang lahat sa pagsisikap ng kaparian at obispong bumubuo ng Clergy for Good Governance. Nag-usap-usap at nagplano ng malawakang pagkilos ang ilang pari na kasama ang ilang mga kinatawan ng iba’t ibang samahan at kilusan at nabuo ang rally sa hapon ng Enero 31, 2025 sa EDSA Shrine.
Dalawang rally ng mga iba’t ibang grupo ang tututok sa panawagang i-impeach si Vice President Sara Duterte, isa sa Liwasang Bonifacio at ang pangalawa sa People Power Monument. Ang rally sa EDSA Shine ay may mga panawagan:
Boses ng Pilipino
Konsyerto ng Bayan
Marcos-Duterte Managot!
Marcos BADyet Pahirap!
Sara Alis Diyan!
Kailangang ma-impeach ang mga opisyal na korup at kurakot.
Kailangang irepaso at palitan ang pinaka-korup (ayon kay Prof Cielo Magno) na badyet.
Kailangan nang pag-usapan, isulong, isabatas ang pagbabawal at pagpapaalis ng mga dinastiya na umaangkin sa pondo ng bayan at mga matataas ng posisyon sa pamahalaan mula lokal hanggang pambansang pamahalaan.
Mahaba ang rally at halos nagtagal ng anim na oras. Merong mga umawit at nagsalita. Merong mga Protestante, Katoliko at Muslim na nag-alay ng panalangin. Nagkaroon bandang hapon ng maikling pagdiriwang ng misa. At sa pagtatapos inawitan at pinasalamatan ang mahal na Birheng Maria, Ina ng Kapayapaan bago dumagundong ang isang “noise barrage” upang tutulan ang mga problemang dulot ng mga makapangyarihang Pinoy laban sa maliliit at mahihinang kababayan nila.
At ganito nagtapos ang makulay at makabuluhang huling araw ng unang buwan ng Bagong Taon. Mabuhay ang mga mamamayang nagmamahal sa katotohanan, katarungan, kapayapaan at kalayaan.
Komentáře